Bahay ng negosyante sa Abra, ni-raid ng nagpakilalang mga pulis at namaril; isa, patay
Isa ang patay, habang isa pa ang sugatan nang salakayin ng mga armadong lalaki na nagpakilalang pulis ang bahay ng isang negosyante sa Pidigan, Abra.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing nakauniporme ng pulis ang mga suspek nang pasukin ang bahay ng negosyanteng si Norby Paano.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinabihan ng mga suspek ang mga nakatira sa bahay na nagsasagawa sila ng raid. Pero hindi umano sinabi ng mga suspek kung ano ang dahilan ng ginagawa nilang raid.
Nang malaman umano ng mga suspek kung sino si Paano sa mga taong nakatira sa bahay, pinagbabaril nila ito.
Bagaman hindi napuruhan si Paano at nabuhay, nasawi naman ang isa niyang trabahador na binaril din ng mga nagpakilalang pulis.
Nagpapagaling na si Paano sa tinamong mga sugat sa katawan habang patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang mga nasa likod ng krimen.
Amang ipapa-enrol ang anak, pinatay
Samantala, isang ama na ipapa-enrol sana ang siyam na taong-gulang na anak ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga tumakas na salarin sa Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Dead on the spot ang biktimang kinilalang si Inocencio Habon Jr., isang drayber ng pampublikong sasakyan.
Ayon sa pulisya, ipapa-enrol sana ng biktima ang anak nang harangin sila ng mga suspek na nakamotorsiklo.
Hindi naman sinaktan ng mga salarin ang bata.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. -- FRJ, GMA News