Amang OFW na humalay umano sa 2 niyang menor de edad na anak, nais pabalikin sa bansa
Nais ng lola ng menor de edad na hinalay umano ng kanilang ama na nakalipad na sa Saudi Arabia na pabalikin ito sa Pilipinas para mapapanagot sa ginawa nitong krimen sa mga bata.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing kailangang makapagpalabas ng warrant of arrest ang korte upang maipakansela ang passport ng suspek at mapabalik sa bansa.
Napag-alaman na ginawa umano ng suspek ang panghahalay sa mga anak na edad 12 at lima nang magbakasyon ito sa kanilang bahay sa San Carlos City, Pangasinan.
Wala sa bahay ang ina ng mga bata dahil nagtatrabaho naman ito sa Lebanon.
Nagawang maisumbong ng 12-anyos na biktima ang ginawang kahalayan ng ama nang nakaalis na ang suspek at nakabalik na sa KSA kung saan ito nagtatrabaho.
Nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Maynila ang biktima kasama ang kanilang lola at nakababatang kapatid.
Sa pagsusuri sa dalawang bata, lumitaw na positibong ginalaw ang mga biktima.
Desidido naman ang lola ng mga biktima na ituloy ang kaso laban sa kaniyang manugang para pagbayaran ang ginawang kahalayan sa kaniyang mga apo. -- FRJ, GMA News