ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sanggol, nahulog daw sa sahig nang isilang sa ospital


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hustisya ang sigaw ng isang ina para sa kaniyang bagong silang na sanggol na namatay dahil daw sa kapabayaan ng ospital sa Maguindanao.

Sa ulat ni Lala Roque sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing agad na napalitan ng lungkot ang sayang naramdaman ni Marilyn Galapin nang maisilang niya ang bunsong anak.  
Ilang oras lang daw nabuhay ang baby na nahulog sa sahig dahil sa kapabayaan daw ng mga medical staff sa Cotabato Regional and Medical Center.

Kuwento ni Galapin, pagdating niya sa pagamutan noong Mayo 20, wala raw umasikaso sa kanya at natarayan pa umano siya ng isang nurse dahil sa pag-iingay.



At dahil wala raw umasikaso sa kanya, naisilang niya ang bata at nahulog sa sahig.

"May pasa po siya dito sa dibdib, sa likod, may bukol sa ulo...tinanong ko po sa mister ko, sabi ko 'tunungin mo dun sa duktor kung kumusta yung kondisyon ng baby kasi paglabas niya nahulog po 'yon sa sahig.' Tapos sagot daw po ng duktor sa kaniya okey lang daw po,"

Premature rin daw ang sanggol pero sa halip na sa incubator, sa hallway lang daw ng ospital inilagay ang bata dahil sa kakulangan sa pasilidad.

Nagkasa na ng imbestigasyon ang Department of Health at Commission on Human Rights sa nangyari.

Tumanggi namang humarap sa GMA News ang chief of hospital pero nagsisiyasat na rin daw sila sa nangyari.

Hihingin daw nila ang panig ng mga sangkot na medical staff at nangakong pananagutin kung sinuman ang nagpabaya sa tungkulin.

Aminado naman si Galapin na wala silang pera para magsampa ng kaso. Tanging hangad lang daw niya ay hindi na mangyari sa ibang pasyente na nagpupunta sa ospital ang nangyari sa kaniya. -- FRJ, GMA News

Tags: baby