ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga mag-aaral at mga guro na sumasabak sa peligro sa ngalan ng edukasyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado mismo ang Department of Education (DepEd) na marami pang lugar sa bansa ang nangangailangan ng tulong para mapahusay ang mga paaralan. Pero habang hindi pa ito nagagawa, hindi natitinig ang determinasyon ng maraming kabataan at maging ang mga guro na sumuong sa peligro sa ngalan ng edukasyon.

Gaya na lamang ng mga estudyante sa Alimodian, Iloilo kung saan araw-araw na tinatawid ng mga bata ang isang peligrosong ilog.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing mapalad ang mga bata kung maaraw at maganda ang panahon dahil banayad lang ang agos ng ilog. Pero pagsapit ng tag-ulan o kung masama ang panahon, kailangan nilang suongin ang rumaragasang agos.



Ang ilan sa mga estudyanteng nakapanayam, sinabing batid nila ang panganib sa pagtawid sa ilog pero hindi nila nais lumiban sa klase.

Pero kung minsan naman, mga guro na raw mismo ang gumagawa ng paraan lalo na kung masama ang panahon.

Sa halip na ang mga bata ang pumunta sa paaralan, sila na ang pumupunta sa mga estudyante dala ang kanilang mga gamit sa pagtuturo.

Samantala sa Zamboanga, tumatawid naman ng dagat ang mga guro sakay ng bangka para makarating sa kanilang mga estudyante.

Ngunit sa halip na life jacket ang suot bilang proteksiyon sa pagkalunod, ang ilan guro, mga galon na lalagyan ng tubig ang kakapitan kapag nagkaaberya.

Alinsunod kasi sa patakaran ng lungsod, dapat may life vests ang mga pump boat na sinasakyan ng mga guro patungo sa mga eskwelahan sa mga isla.

Pero kadalasang kulang ang life jackets sa mga bangka.

Dati na rin daw  nanawagan ng donasyon ang DepEd-Zamboanga para sa life vest pero anim na piraso lang ang dumating.

Ang isang nakikitang solusyon ng DepEd, ang pagtatayo ng mga eskwelahan sa mga liblib na lugar, na ang mga guro at manggagaling din sa mismong komunidad. -- FRJ, GMA News