ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-inang bumili ng gamit pang-eskwela, patay matapos makaladkad ng van


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinasabikan ng grade one pupil na si Kyle Pugong ang pagsisimula ng klase nitong Lunes. Pero hindi na niya magagamit ang pinamili nilang gamit pang-eskwela ng kaniyang ina matapos silang masawi sa isang aksidenteng naganap sa tapat mismo ng kanilang bahay sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing nasawi ang mag-inang Gemma at Kyle Pugong, 7-anyos, nang salpukin at makaladkad ng isang van ang sinakyan nilang tricycle sa Osmeña Road, Brgy. Angio, San Fabian.

Ayon sa drayber ng tricycle na si Rafe Dismaya, kababa lang ng mag-ina sa tapat ng kanilang bahay nang bilang dumating ang van na minamaneho ni Rogelio Hufana, at binangga sila.



Napag-alaman na kapitan ng barangay Inmalor Sur sa San Fabian si Hufana.

Dalawa pang pasahero ng tricycle ang nasaktan sa aksidente, habang nakaligtas si Dismaya at isa pang pasahero na nasa likuran niya nang makatalon sila sa motorsiklo.

Napag-alaman na kagagaling lang ng mag-ina sa palengke at namili ng gamit pang-eskwela ng bata. Pinagupitan din umano ng ina ang anak para sa pasukan.

Ayon sa ulat, tumangging magbigay ng pahayag si Hufana.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang dahilan ng aksidente at ang kasong posibleng isampa kay Hufana. -- FRJ, GMA News