Banta ni Cam vs De Lima na sex video, pinalagan ng Palasyo
Iginiit ng tagapagsalita ng Malacañang na hindi dapat gamitin ni Sandra Cam ang Commission on Appointment (CA) para sa kung anumang personal na dahilan laban kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ang pahayag ay ginawa ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dxRB radio nitong Sabado, nang hingan ng reaksiyon tungkol sa banta ni Cam na ipakakalat ang umano'y sex video ni De Lima kapag kinumpirma ng CA ang pagkakatalaga sa kalihim.
“Kung hindi natin makuha ang gusto, siguro huwag gawing venue ang CA para ituloy pa whatever ax it is you have to personally grind against Sec. De Lima,” ayon kay Valte.
Una rito, sinabi ni Cam, presidente ng whistleblowers' association, na mayroon siyang apat na "cuts" ng umano'y sex video ni De Lima na ilalabas niya kapag pinalusot ng CA ang kalihim.
Sa ginanap na pagdinig ng CA noong Miyerkules kaugnay sa pagtatalaga ng Palasyo kay De Lima, mariing tinutulan ni Cam na palusutin ang kalihim ng DOJ dahil sa pagkakaroon umano nito ng mga “illicit affair.”
Ayaw namang patulan ni De Lima ang mga akusasyon sa kaniya ni Cam. (Basahin: De Lima shuns questions about ‘illicit affairs’ during confirmation hearing)
"I psyched myself before I appeared today na hindi ko papatulan kapag medyo foul na," pahayag ng kalihim sa media matapos ang pagdinig. "Yung insisting na personal issues, iyon ang hindi ko pwedeng patulan."
Sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni Valte na ang desisyon ng CA ay ibabatay sa trabaho at kakayahan ni De Lima bilang pinuno ng DOJ. -- FRJ, GMA News