Radio journalist, patay sa pamamaril sa Calapan, Oriental Mindoro
Isang brodkaster sa Calapan, Oriental Mindoro ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek nitong Lunes habang sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ng GMA News TV's News To Go nitong Martes, kinilala ang biktima na si Nilo Baculo Sr., host ng programang "Isumbong Mo Kay Ka Nilo" sa radio station na dwIM.
Noong Pebrero 2008, naghain umano ng petisyon sa korte si Baculo para bigyan siya ng proteksiyon makaraang makatanggap ng banta sa kaniyang buhay.
Nalaman umano ng biktima ang banta sa kaniyang buhay mula mismo sa taong inupahan para siya patayin.
Pero ibinasura naman ng korte ang petisyon ni Baculo noong Hunyo nang nabanggit na taon.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV's "Balitanghali," sinabing sakay ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek na naka-motorsiklo rin.
Nasugatan naman ang kasama ni Baculo.
Si Baculo na ang ika-33 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Aquino III. -- FRJ, GMA News