LPG refilling station at furniture shop sa Ilocos Sur, nasunog
Lima katao ang nasaktan sa magkahiwalay na sunog na tumupok sa isang LPG refilling station at isang furniture at appliance shop sa Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing naganap ang sunog sa LPG refilling station sa Bantay, Ilocos Sur.
Bago ang sunog, nagkaroon umano muna ng malakas na pagsabog sa refilling station.
Lima katao ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa mga bumbero, nagkaroon ng leak ang LPG storage tank na pinaniniwalaang dahilan ng pagsabog.
Pansamantala nang ipinasara ang refilling station habang hindi natitiyak na ligtas na muli itong gamitin.
Napag-alaman sa imbestigasyon na nagsasagawa ng construction sa refilling station nang mangyari ang insidente. Ngunit hindi raw ito ipinagpaalam ng may-ari sa lokal na pamahalaan.
Samantala, nasunog din ang isang furniture at appliance shop sa Candon city, Ilocos Sur nitong Martes ng madaling araw.
Tumagal ng tatlong oras ang sunog na tumupok sa mga kasangkapan na ibinebenta sa tindahan. Kinailangan ang 10 fire trucks mula sa iba't ibang bayan para maapula ang apoy.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog at kung magkano ang kabuuang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Wala namang nasaktan sa nabanggit na insidente. -- FRJ, GMA News