ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kilos-protesta, isinagawa vs China sa Makati sa Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinatayang 50 katao ang nagsagawa ng kilos-protesta sa labas ng konsulado ng China sa lungsod ng Makati nitong Huwebes, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
 
Sa ulat ng dzBB radio, sinabing nakasuot ng kulay pulang damit ang mga demonstrador at nagwagayway ng watawat ng Pilipinas sa harapan ng gusali ng konsulado ng China.
 
Marami umano sa mga nagprotesta ang sumisigaw ng, "China alis diyan!," patungkol sa mga ginagawang aktibidad ng China sa mga lugar na sakop ng Pilipinas sa pinag-aagawang West Philippine Sea o South China Sea.  

 
Binatikos din ng mga demonstrador ang pambu-bully umano ng China at pagpasok ng mga teritoryo ng Pilipinas.
 
Ilan din sa mga nagprotesta ang may bitbit na mga streamer na may larawan ng lumang barkong pandigma na nasadsad sa Ayungin Shoal kung saan nagkukuta ang mga sundalong Pilipino.
 
Sa kabila ng mga ginawagang aktibidad ng China sa West Philippine Sea, nanindigan si Pangulong Benigno Aquino III, na dapat resolbahin sa mapayapang paraan ang naturang usapin sa agawan ng teritoryo.
 
Naghain ang Pilipinas ng reklamo sa international arbitration tungkol sa usapin pero tumanggi ang China na sagutin at makiisa sa gagawing pagdinig.
 
Samantala, nasa 30 katao naman na miyembro umano ng Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya at Youth for National Democracy, ang nagsagawa rin ng kilos-protesta malapit sa tanggapan ng US Embassy sa Roxas Boulevard sa Maynila.
 
Sa ulat ng GMA News TV's "News to Go," sinabing hinarang ng mga anti-riot police ang mga demonstrador para hindi makalapit sa embahada ng Amerika. -- FRJ, GMA News