ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Negosyanteng si Richard King, binaril at pinaslang sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binaril at pinaslang sa loob ng pag-aari niyang establisimyento ang negosyanteng si Richard King sa Davao City nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Tek Ocampo ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing kumakain sa pag-aari niyang tindahan si King sa Sobrecary St. nang pasukin ito ng hindi pa nakikilalang suspek at binaril.

Matapos ang krimen, tumakas umano ang suspek sakay ng isang motorsiklo.

Napag-alam na si King ang may-ari ng Crown Regency Group of Hotels.

Ayon sa pulisya, isang tama ng bala sa ulo mula sa kalibre .45 na baril ang tumapos sa buhay ng negosyante.



Walang closed-circuit-television camera sa loob at labas ng establisimyento ni King na posible sanang magamit sa imbestigasyon.

Gayunman, sisilipin ng mga imbestigador ang mga kuha sa CCTV camera na nakakabit  sa mga kalapit nitong establisimyento.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malutas ang krimen.

Samantala, isa naman tindero ng ukay-ukay ang binaril din at pinatay ng tumakas na suspek sa nabanggit ding lungsod.

Nakaupo umano sa tindahan ang biktima nang lapitan at barilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Personal na alitan o "rido" ang tinitingnan anggulo sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News