ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Orange plantation, nagiging atraksyon na sa mga turista sa Cebu City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagiging atrasyon na ng turismo sa Cebu City ang isang plantasyon na may iba't ibang prutas gaya ng orange at mga native strawberry. 

Pero bago marating ang taniman, sinabi sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, na kailangan munang mag-hiking sa mababato at matatarik na bahagi ng bundok.  

Makikita ang pambihirang plantasyon ng mga prutas sa bukirin sa kabundukan ng barangay Sudlon. Makikita rito ang mga prutas na madalas lamang makikitang tumutubo sa mga bansa na malamig ang klima.

Kahit hindi pa panahon ng orange, marami nang puno ang namumunga, ayon sa ulat.



Ayon kay Boy Arriesgado, may-ari ng plantasyon, bago siya nagtanim ng orange sa lugar, nauna muna siyang nagtanim ng broccoli at sili noong 2006. At pagkaraan ng tatlong taon ay nasundan na ito ng orange at poncan.

Ngayon, pati native strawberry ay makikita na rin sa plantasyon.

Sa unang tingin, tila mga damo lang ang halaman. Pero hindi nalalayo ang hugis, kulay at lasa ng bunga nito sa mga imported na strawberry.

Nais ni Arriesgado na mas mapaunlad pa ang pagtatanim niya ng mga oranges at native strawberry sa plantasyon para magkaroon din ng kabuhayan ang iba pang residente. -- FRJ, GMA News