ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong patakaran sa water rafting sa Cagayan de Oro river, pag-aaralan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bubuo ng komite ang lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro upang pag-aralan ang mga posibleng bagong regulasyon na ipatutupad sa water rafting kasunod ng pagkasawi ng isang lokal na turistang sumabak sa sikat na extreme water sport sa lungsod.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing binuksan na muli sa publiko ang water rafting sa CDO ilang araw makaraang malunod si Aiza Balbin.

Nitong nakaraang Biyernes ng hapon nang biglang bumulusok sa tubig at tumaob ang sinasakyan na rubber raft ni Balbin at apat na iba pa sa bahagi ng ilog na maraming nakapalibot na limestones.

Nakaahon ang apat na sakay sa water raft pero nawala si Balbin. Pagkaraan ng ilang araw, nakita ng mga rescuer ang kanyang bangkay na natabunan ng mga kalat na naanod sa ilog.



Nagkaroon daw ng whirlpool o malakas na pag-ikot ng tubig sa ilog na humigop sa biktima.

Na-cremate na ang mga labi ni Balbin at iuuwi na sa kaniyang bayan sa Bohol.

Base sa nakuhang impormasyon ng mga awtoridad, pumunta sa Cagayan de Oro City mula sa Cebu si Balbin para subukan ang sikat na tourist attraction na water rafting.

Hindi raw inaasahan ng kasama nitong kaibigan na mauuwi sa trahedya ang kanilang pamamasyal lalo pa't hindi naman umuulan nang mangyari ang insidente.

Ito ang unang pagkakataong may namatay sa aksidente sa water rafting sa naturang ilog.

Iniimbestigahan ngayon kung may kakulangan sa safety measures sa lugar at kung mayroon bang dapat managot sa insidente.

Pero iginiit ng namamahala sa water rafting na kumpleto sa safety gear at dumaan sa briefing ang grupo ng biktima bago sumabak sa naturang water sport.

Kasabay nito, bubuo naman daw ng komite ang lokal na pamahalaan na magtatakda ng mga bagong regulasyon para matiyak ang kaligtasan ng mga susubok sa naturang extreme water sport.-- FRJ, GMA News