Turistang Australiano, nadakip sa Cebu habang kasama ang 15 menor de edad sa resort
Dinakip ng mga awtoridad ang isang turistang Australiano dahil sa umano'y malalaswang aktibidad. Pinaghuhubad daw nito sa harap ng camera ang 15 menor de edad sa isang resort sa Cordova, Cebu.
Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinakip ang dayuhang si Peter James Robinson, na ipino-post umano sa internet ang mga malalaswang larawan ng mga batang isinama nito sa isang resort sa Cordova.
Nalaman ng mga awtoridad ang aktibidad ni Robinson nang magsumbong umano ang isang 13-anyos na babae na kasama siya sa mga pinapaghubad at inaabuso ng dayuhan sa harap ng camera.
Bagaman walang warrant of arrest nang isagawa ang pag-aresto, sinabi sa ulat na naaktuhan daw si Robinson kasama ang apat na batang lalaki at 11 batang babae sa dalawang kuwarto sa loob ng resort.
Base sa Republic Act 7610 o ang special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act, bawal magsama ng mga menor de edad-- 12-anyos pababa -- sa loob ng motel, beach o resort kung hindi nila kamag-anak.
Nakuha sa loob ng kuwarto ng resort ang laptop, cellphone at iba pang gadget.
Isasailalim sa digital forensic exam ang mga ito.
Itinanggi naman ni Robinson na inaabuso niya ang mga bata at ipino-post niya ang mga larawan sa internet.
Itinanggi rin ng isa sa mga menor de edad na "nasagip" na may nangyayaring malaswa sa kanila sa loob ng resort.
Inimbitahan lang daw sila ng dayuhan para sa birthday party ng pamangkin umano ng girlfriend nito.
Sinabi ng bata na dinala sila sa resort noon pang Sabado.
Maging ang ina ng dalawang bata na nasa resort ay nagsabing nandun siya nang dalhin ang kaniyang mga anak sa loob ng kuwarto.
Hindi naman pinayagan na makapasok sa loob ng resort ang GMA-Cebu para makunan sana ng pahayag ang pamunuan ng resort. -- FRJ, GMA News