Suspensiyon sa bus company na sinakyan ni Tado Jimenez, pinatatanggal ng korte sa LTFRB
Inaasahang aarangkada na muli sa kalye sa susunod na linggo ang mahigit 100 unit ng GV Florida bus company makaraang iutos ng Court of Appeals (CA) na bawiin ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang anim na buwang suspensiyon na ipinataw nito.
Sa ulat ni Claire Delfin sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing ang kautusan ay inilabas ng korte matapos makitaan ng pag-abuso sa kapangyarihan ang LTFRB nang suspindihan nito ang 186 unit ng GV Florida gayung hindi naman umano nakitaan ng paglabag sa prangkisa ang kompanya.
Sinuspindi ng LTFRB ang mga bus ng GV Florida matapos ang malagim na aksidente sa Bondoc, Mountain Province noong nakaraang Pebrero na kinasangkutan ng isa nitong bus.
Labinglima katao ang nasawi sa aksidente, kabilang na ang komedyanteng si Tado Jimenez.
Basahin: Komedyanteng si Tado, kabilang sa mga nasawi sa bus accident sa Mt. Province
Napag-alaman na sakop 28 certificate of public convenience o CPC ang 186 unit ng GV Florida.
Kinatigan naman ng korte ang pagkansela sa isang CPC na nakasasakop sa 10 unit ng bus, kung saan kabilang ang bus na sinakyan ni Jimenez.
Sinabi sa ulat na walang pahintulot mula sa LTFRB ang CPC sa nabanggit na 10 bus nang mailipat ang mga ito sa GV Florida mula sa dating mag-ari ng mga unit.
Ayon sa abogado ng GV Florida na si Atty. Alex Verzosa, inaasikaso na nila ang naturang usapin.
Sinabi rin nito na sa loob ng tatlong buwan na hindi nakabiyahe ang 186 bus, nasa 800 drayber at konduktor umano ang hindi nakapaghanap-buhay. Ilan din umano sa mga anak ng mga empleyado ang hindi na nakapag-enroll nitong pasukan.
Pagtaya ni Verzosa, posibleng makabiyahe na ang mga bus sa Huwebes.
Sa Martes o Miyerkules umano inaasahan na mailalabas ng TESDA ang certification and training evaluation na isinagawa sa mga drayber ng kompanya. Kasunod nito ay maaari na umano nilang kunin ang mga plaka ng sasakyan na kinumpiska ng LTFRB.
Samantala, hindi pa umano nakakakuha ng kopya ng desisyon ng korte ang LTFRB para mapag-aralan ang susunod nilang legal na hakbang.
Basahin: Tado’s widow rejects insurance benefit from Florida bus company
Nakatakda rin daw magpulong ang mga kaanak ng mga naging biktima ng aksidente para talakayin ang naging desisyon ng korte. -- FRJ, GMA News