'Selfie' ng menor de edad, napunta sa tarpaulin ng isang beerhouse
Inireklamo sa pulisya ng isang menor de edad ang isang beerhouse sa Sta. Cruz, Maynila dahil sa paggamit ng kaniyang "selfie" o larawang inilagay sa isang social networking site nang walang paalam. Ang "selfie" ng babae, isinama sa grupo ng kababaihan sa tarpaulin na nakadisplay sa labas ng beehouse.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ng menor de edad na itago sa pangalang "Clarisse," na nalaman niyang ginamit ng beerhouse ang kanilang larawan nang makita ito ng isa niyang kaibigan.
Ayon kay Clarisse, ang naturang litrato niya sa tarpaulin ay larawan na inupload niya sa isang social networking site.
Ang ina ng menor de edad, galit na galit dahil sa kahihiyang sinapit ng anak na pinalitaw na nagtatrabaho sa naturang establisimyento. Kaya naman dumulog sila ng kaniyang anak sa pulisya para magreklamo.
Ayon pa kay Clarisse, may isa pang babae sa tarpaulin na kilala niya at kinumbinsi na ring magreklamo sa mga awtoridad.
Aminado naman ang manager ng beerhouse na walang paalam ang ginawa nilang paggamit ng mga larawan ng mga babae para makapangenganyo daw ng mga parokyano.
Nahararap sa paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-child Abuse Law ang mga nasa likod ng paggamit ng larawan ng menor de edad.
Paalala naman ng pulisya, mag-ingat sa pagpo-post ng selfie sa networking sites. Makabubuti rin umanong naka-private setting ang account at huwag basta-basta tumanggi ng mga "friend request" lalo na kung hindi naman kakilala.
Basahin: Makati, Pasig are 'Selfie Capital of the World' according to TIME study
Dahil sa naging karanasan, sinabi ni Clarisse na siya man ay may natutunang aral sa pangyayari pagdating sa pagpo-post ng sexy pictures sa social networking sites. -- FRJ, GMA News