Nasawing hazing victim, na-cremate na; mga suspek, may plano raw sumuko, ayon sa NBI
Na-cremate na nitong Miyerkules ang mga labi ng hazing victim na si Guillo Cesar Servando. Ayon naman sa mga awtoridad, nagpaabot ng mensahe ang mga suspek na nais sumuko.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ng ama ni Guillo na si Aurelio Servando na ihahatid nila sa Bacolod ang mga abo ng kaniyang anak para doon ihimlay.
"Magpapahinga lang kami ng ilang araw, then lilipad kaming Bacolod," anang nakatatandang Servando.
Si Guillo ang pinakabagong biktima ng kalupitan ng tinatawag na kapatiran.
Nagtamo ng "traumatic injuries" sa kaniyang katawan ang biktima nang makita nitong nakaraang Linggo sa isang condominium unit sa Maynila matapos sumalang umano sa hazing. Inilagak ang kaniyang mga labi sa La Salle Green Hills sa Mandaluyong City.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa si Aurelio na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak.
"Realistic din na under the judicial system natin sa bansa, napakatagal, laging inaabuso ng ating defense lawyers, maraming palusot, maraming hindi natutuloy na hearing, kaya bahala na ang Diyos sa kahit ano mang course of this investigation," aniya.
Idinagdag niya na nakikipag-ugnayan din sila sa pamilya ng iba pang hazing victims.
"Ang ama ng dalawang biktima, nakausap ko na, kahit ang mga anak nila ay under medication pa, tumutulong naman sila sa amin," ayon kay Aurelio.
Sinabi ni Aurelio na hindi nila pinayagan ang kaniyang anak na sumali sa anumang fraternity dahil batid niya ang peligro nito.
Napag-alaman din na nakatakda sanang umalis patungong Korea si Guillo sa July 17 para sa class field trip.
"At around 8:30 a.m., nag-request siya kung pwede mahatid sa St. Benilde kasi he has to do some work and magsu-submit siya ng papeles dahil aalis siyang pa-Korea sa 17 of this month for a field trip. So hinatid ko siya, and it was one of those rare occasions na hinalikan niya ako sa cheeks," pagbalik-tanaw ng ama.
Natagpuan si Guillo at tatlo pang kapwa neophyte sa isang condominium sa Maynila matapos sumalang sa initiation rites noong Sabado.
Samantala, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang isang bahay sa Calatagan Street sa Barangay Palanan sa Makati na pinaniniwalaang isinagawa ang initiation rites.
Inihayag naman ni Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI Death Investigation Unit, na nakikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) para makilala at madakip ang mga sangkot sa nangyari kay Guillo.
"To tell you frankly, since Monday mayroon nang tumawag sa atin na susurrender na ang grupo. Iyong grupo, sinasabi nila grupo eh," ani Tovera.
Idinagdag niya na isang tao ang nakausap din sa telepono ng isa nilang agent na nagbanggit ng tungkol sa "surrender feelers."
Gayunman, hindi pa umano muling tumatawag ang naturang tao.
"Ni-report ko kay NBI director (Virgilio Mendez) na, 'Sir, may surrender feeler," ani Tovera.
"Hindi niya nabanggit (ang pangalan niya). (Sabi lang ng NBI agent) 'Pare, nakipag-coordinate na sa akin na su-surrender sila." -- FRJ, GMA News