'Zombie' food at 'panulak' na 'dextrose' at 'formalin,' patok na street food sa Cebu
Isang maliit na tindahan sa Barangay Tisa sa Cebu city ang dinadayo ngayon ng mga mahilig mag-food trip dahil sa kakaibang pangalan ng mga itinitinda nitong street foods.
Tinawag na zombie food ang "tuslob buwa" dahil utak ng baboy ang pangunahin nitong sangkap.
Perfect itong ipares sa kanin na tinatawag na "puso" dahil naman sa hugis nitong puso.
Best seller naman ang "liston" o ang prinitong bituka ng manok na nakatuhok sa stick.
Mayroon ding espesyal na fried chicken na tinawag na "wakwak" o "tiktik," o pritong pakpak ng manok.
Ang "lumpia de bomba," tiyak na sasabog daw ang bibig ng kakain dahil sa maanghang nitong lasa.
Pangunahing sangkap nito ang ham, cheese at siling labuyo.
Kung kailangan ng inumin o "panulak," nandiyan ang mineral water na tinawag na "dextrose" dahil ang lalagyan nito ay parang bote ng dextrose.
Para sa medyo matapang na panulak, bakit hindi subukan ang "formalin" na isang inuming nakalalasing.
Paliwanag ni Malou Quillosa, may-ari ng tindahan kung saan nanggaling ang pangalan ng mga itinitinda, “pinalitan kasi ng mga nag-iinuman dito ang pangalan ng aming menu, kaya 'yon na rin ang tawag namin.”
Paalala lang sa mga mahilig ng mag-food trip, hinay-hinay sa pagkain ng matataba para hindi naman mauwi sa sakit ang hilig sa pagkain. -- Alan Domingo/FRJ, GMA News