Panlaban sa pesteng 'cocolisap,' naimbento raw ng isang lalaki sa Sultan Kudarat
Tinutulungan umano ngayon ng Department of Science and Technology (DOST-Region XII) ang isang lalaki sa Sultan Kudarat para mapabuti pa ang produksyon ng naimbesnto nitong bakuna sa halaman na panlaban sa pesteng sumisira sa puno ng niyog na kung tawagin ay "cocolisap."
Sa ulat ng GMA news "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang imbentor ng plant vaccine na si Dennis Bialen, 38-anyos, nagtapos ng kursong Plant Breeding and Genetics sa University of Southern Mindanao.
Ang bakuna sa halaman na natuklasan ni Bialen ay mula umano sa katas ng bulok na halaman, insekto at molasses.
Ang bakterya mula sa plant vaccine ay mabilis daw na humahawa at pumapatay sa mga pesteng cocolisap sa mismong lungga nito.
Kamakailan lang ay nagdeklara ng state of emergency si Pangulong Benigno Aquino III sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at Basilan dahil sa pinsalang idinudulot ng cocolisap na labis na nakakaapekto sa ilang magsasaka.
Tinatayang aabot sa isang milyong puno ng niyog ang mamamatay sa pag-atake ng peste.
Naglaan na rin ng P400 milyon ang Department of Budget and Management (DBM) para mapigilan ang pananalasa ng peste. -- FRJ, GMA News