Budget surplus o 'di nagastos na pondo, maaaring senyales daw ng 'di maayos na paggasta ng gov't
Inihayag ng isang ekonomista na hindi mabibigyang katwiran ng budget surplus o pondo na hindi nagasta ng gobyerno ang kontrobersiyang idinulot ng ipinatupad na Disbursement Acceleration Program (DAP) ng pamahalaang Aquino. Kung tutuusin, puwede pa raw itong indikasyon ng hindi maayos na paggamit ng pamahalaan ng pondo ng gobyerno.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ipinagmalaki kamakailan ng Palasyo ang budget surplus ng gobyerno ngayong taon.
Nitong Abril, nakapagtala umano ang pamahalaan ng budget surplus ng P80.9 bilyon, na higit sa doble kumpara sa parehong panahon noong 2013.
Ngunit para sa ekonomista at University of Philippines professor na si Leonor Briones, hindi nangangahulugan ng magandang balita ang pagkakaroon ng surplus. Maaari rin daw itong indikasyon ng hindi wastong paggamit ng pondo na dahilan kaya hindi lubos na lumago ang ekonomiya.
Ipinaliwanag pa ni Biones, dati ring National Treasurer, na ang pondong nakasaad sa surplus ay pondong nakalaan sa partikular na proyekto o programa na nakabatay sa inaprubahang taunang budget o General Appropriation Act (GAA).
Kung hindi nagamit ang pondo, nangangahulugan na hindi rin naipatupad ang proyekto o programa.
Matatandaang idinepensa ng Department of Budget and Management ang DAP na isinagawa raw para mapabilis ang paggasta ng gobyerno para sa mga mahalalagang proyekto.
Ngunit ayon kay Biones, ang dapat gawin ng pamahalaan ay paghusayin at tiyakin na maipatutupad ang proyekto; at hindi iyong aalisin ang pondo at ililipat sa ibang proyekto dahil labag umano iyon sa Saligang Batas.
Gayunman, hindi naman daw pwedeng isisi sa budget surplus ang nakikitang pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sadyang bumabagal umano ang paglago ng ekonomiya sa buong mundo.
Malaki rin daw ang papel ng kakulangan ng mga private investment sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Dahil nasa kalagitnaan pa lamang ng taon, hindi pa raw matitiyak ang budget surplus. Pero kailangan daw bilisan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga proyekto nito.
Sinabi naman ni dating Budget secretary Benjamin Diokno, na ang paggastos ng pamahalaan ang isa mga sa pangunahing nagtutulak sa ekonomiya ng bansa.
Paliwanag niya, ang bawat proyekto na popondohan ng pamahalaan ay makalilikha din ng mga trabaho at mapapakinabangan ng mga tao.
Para naman kay Sec. Sonny Coloma ng Presidential Communication Operations Office (PCOO), ang hamon pa rin sa pamahalaan ay pasiglahin ang ekonomiya, palakasin ang industriya at serbisyo para makamit ang mas mataas na paglago ng ekonomiya.
Ayon sa ulat, sinubukan ng GMA News na makuha ang pahayag ang DBM tungkol sa budget surplus pero abala raw sila sa paghahanda para sa 2015 national budget.
Pero sa isang pahayag ng DBM, sinabi ni Abad na bumaba ang interest payments sa mga utang ng pamahalaan sa unang bahagi ng taon. Nangangahulugan daw ito ng mas malaking pondo ang mailalaan sa priority programs ng administrasyon.
Kung ikukumpara umano sa parehong panahon noong 2013, magmula nitong Enero hanggang Abril, mas mababa ng lima't kalahating bilyong piso ang interest payments ng pamahalaan.
Inaasahan din na bibilis ang paggasta ng pamahalaan sa mga darating na buwan dahil natukoy na raw ang dahilan ng pagbagal ng pagpapatupad ng mga proyekto. -- FRJimenez, GMA News