ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang babae, hinalay daw sa bakanteng silid-aralan; isang 14-anyos, ginahasa naman daw ng ka-textmate


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang lalaki ang dinakip at ikinulong ng mga awtoridad matapos silang ireklamo ng panggahasa sa magkahiwalay na lugar sa Camarines Sur. Ang isang biktima, siyam na taong gulang lang na ginahasa umano sa inabandonang silid-aralan mula pa noong 2011.

Sa ulat ni Michelle Chua ng GMA-Bicol sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabi ng pulisya na batay sa kwento ng biktima, inaabangan siya ng suspek tuwing uwian mula sa paaralan.

Hinahatak umano ng suspek ang biktima sa inabandonang silid-aralan at doon pinagsasamantalan.

Disyembre 2013 nang magsumbong umano ang bata sa tiyahin nito tungkol sa ginagawang kahalayan ng suspek.

Pero bigla raw nawala ang suspek nang isumbong nila ito sa pulisya.



Anim na buwan makaraan nito, nadakip ang lalaki sa tulong ng mga impormante.

Itinanggi naman nito ang paratang laban sa kaniya.

Pero dahil lumitaw sa pagsusuri ng medico-legal na positibong inabuso ang bata, tuloy ang pagsasampa ng kasong six counts ng rape laban sa lalaki.

Inabuso ng ka-text mate

Sa bayan naman ng Pasacao, Camarines Sur, isang 14-anyos na babae rin ang nagreklamo sa pulisya ng panggagahasa laban sa kaniyang ka-textmate.

Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek sa pamamagitan ng text nitong nakaraang Mayo.

Nang mahulog ang kaniyang loob sa lalaki, pumayag siyang makipagkita rito sa bahay ng suspek nitong Hulyo.

Sa bahay ng suspek, ikinulong daw ang biktima at inabuso.

Nang payagan ng lalaki na makauwi ang biktima, dito na umano nagsumbong ang babae.

Igiit naman ng suspek na hindi niya pinilit ang babae at kapwa nila ginusto ang nangyari sa kanila. -- FRJ, GMA News

Tags: rapebicol, rape