ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 sunog na bangkay ng lalaki, natagpuan sa Bukidnon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang araw matapos matuklasan ang tatlong sunog na bangkay sa Misamis Oriental, dalawang sunog na bangkay naman ang nakita sa damuhan sa kalapit na lalawigan nito sa Bukidnon.

Sa ulat ni Sosie Alanban ng GMA-Northern Mindanao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing natagpuan ang dalawang sunog na bangkay sa barangay Gongo sa bayan ng Libona, Bukidnon.

Kalapit lang nito ang bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental kung saan nakita ang tatlong sunog na bangkay noong Linggo.

Pero hindi kagaya ng tatlong bangkay sa Tagoloan na walang nakitang sugat sa katawan, ang dalawang bangkay sa Libona ay nakitaan ng tama ng bala at saksak sa katawan.



Hinala ng mga awtoridad, sa ibang lugar pinatay ang dalawang biktima sa Libona dahil walang nakitang basyo ng bala sa lugar na pinagsunugan sa mga ito.

At kahit na nasunog na katawan ng dalawang biktima, makikita pa rin daw ang tattoo ng mga ito sa katawan.

Ang isang biktimang naka-cargo pants,may tribal design na tattoo sa kaliwang braso.

May tattoo na anghel naman sa kaliwang dibdib ang isa pang biktima na nakapambahay lang ang short.

Nananawagan ang pulisya sa mga may nawawalang kaanak na pumunta sa punerarya sa naturang barangay para makita ang mga bangkay at kilalanin.

Inaalam ngayon ng pulisya kung magkaugnay ang mga kaso ng pagsunog ng mga bangkay sa Misamis Oriental at Bukidnon.

Hindi pa matukoy ng pulisya ang posibleng motibo sa mga krimen at blangko pa rin sila sa kung sino ang posibleng nasa likod ng mga ito. -- FRJ, GMA News