'Red plate' bawal gamitin kung holiday - Ombudsman
Nagbabala nitong Miyerkules ang Office of the Ombudsman na papatawan ng mabigat na parusa ang sinumang opisyal ng gobyerno na mahuhuling gumagamit ng sasakyan ng gobyerno ngayong Semana Santa. Sinabi ni Assistant Ombudsman Mark Jalandoni na nag-iikot na ang mga miyembro ng Task Force Red Plate ng Ombudsman upang magmanman sa mga hindi awtorisadong paggamit ng sasakyan ng pamahalaan. Ayon kay Jalandoni, pinuno ng nasabing task force, na bahagi ang kanilang pag-aksyon sa programa ng pamahalaan na magtipid sa enerhiya. âThe crackdown on unauthorized use of government vehicles continues," pahayag nito. Dagdag pa niya: âThe task force will collate all the information pertaining to government vehicles and will act on reports of concerned citizens, including complaints received by the Ombudsman." Inatasan naman ni Ombudsman Merceditas Gutierrez si Jalandoni na regular na magsumite sa kanya ng ulat sa mga kaso ng hindi opisyal na gamit ng sasakyan ng gobyerno na kanilang mahuhuli. Sinabi nito na hindi bababa sa P9 milyon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa mga hindi awtorisadong paggamit ng sasakyan ng gobyerno. Pinaalalahanan naman ni Jalandoni ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na ang mga service vehicle na ipinahiram sa kanila ng pamahalaan ay hindi maaaring gamitin sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay. âThese cars cannot be used for their out of town vacations. Cars bearing red plates should not be seen around, whether in Metro Manila or in the provinces. Our men are out in the field checking the use of these government vehicles," ayon dito. Hinimok din ni Jalandoni ang publiko na isumbong sa kanila ang mga makikitang lumalabag sa batas. Maaring tumawag sa 426-7750; 926-9765; at 926-9032 local 411. Idinagdag pa na dapat paalalahanan ang mga opisyal ng gobyerno na ang pagbabawal sa hindi awtorisadong paggamit ng sasakyan ng pamahalaan ay nakasaad sa Section 361 (d) of the Government Accounting and Auditing Manual. Sa ilalim ng batas ay hindi maaaring gamitin ang sasakyan ng pamahalaan tuwing Linggo, legal holidays, lagpas na sa oras ng trabaho o kapag wala na ito sa ruta ng opisyal o empleyadong gumagamit nito. Sinabi ni Jalandoni na ipinagbabawal din ang paggamit ng sasakyan ng gobyerno sa mga pribadong pagtitipon at pagpapagamit dito sa asawa, anak, kamag-anak o kaibigan. Nauna nang pinatawan ng Ombudsman ng anim na buwang suspensyon nang walang suweldo si Mariano Martinez, general manager ng Cebu Ports Authority, makaraang mapatunayang ilegal na ipinagagamit nito ang inisyu sa kanyang Toyota Revo (GMC-990) upang ihatid at sunduin ang anak sa paaralan. Nagsampa na rin ang Ombudsman ng kasong kriminal at administratibo laban sa 32 opisyal at kawani ng gobyerno na ilegal na gumamit ng sasakyan ng pamahalaan. - Amita Legaspi, GMANews.TV