Bahagi ng dagat sa Subic, Zambales, bakit nagkulay pula?
Limang araw nang tila kulay dugo o pula ang bahagi ng karagatan Subic Bay sa Olongapo city. Ang itinuturong dahilan, ang isang uri ng mineral na humalo sa tubig-dagat.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing napansin ng mga mangingisda ang kakaibang kulay ng dagat noong kasagsagan ng pag-ulan noong nakaraang linggo.
Limang araw na raw na kulay pula ang dagat dahil umano sa latak mula sa nakahimpil na barko ng "iron ore" na isang uri ng mineral.
Ang tumugas na mineral ay nagmula raw sa nakahimpil na barko ng "Vale Ore," na sinasabing isa sa mga pangunahing ore supplier sa buong mundo na naka-base sa bansang Brazil.
Paliwanag naman ni Subic Bay Metropolitan Authority chairman Roberto Garcia, naiwan sa tinatawag na "floor deck" ng barko ang latak ng kinakarga nitong "iron ore" kaya humalo sa dagat nang umulan.
Hindi naman daw peligroso ang humalong kemikal sa tubig pero nais pa rin ng Olongapo City Council na imbestigahan ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News