Bagong modus ng mga shoplifter, nabisto; gamit na may bar code, nailulusot sa anti-theft detector
Magpupulong sa susunod na linggo ang mga security officer ng ilang negosyo sa Metro Cebu matapos mabisto ang bagong modus ng mga kawatan na kayang ipuslit sa anti-theft detector ang mga ninakaw na produkto kahit nakakabit ang bar code nito.
Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing nakapagtala ng pulisya ng pagtaas ng insidente ng shoplifting o nakawan sa mga boutique sa mga mall ng Cebu city.
Hanggang isang araw, madiskubre ng isang security officer ng isang mall ang naiwang bag na mayroong insulator sheet o espesyal na foam na isinasapin na pangharang sa init.
Dito na nagkahinala ang mga awtoridad na maaaring ang naturang bag ay ginagamit ng mga shoplifter na umaatake sa mga boutique sa mall.
Para malaman kung totoo ang kanilang hinala, nagsagawa ng esperimento ang mga awtoridad at naglagay ng produkto na hindi pa bayad at may nakalagay na anti-theft tag.
Nang idaan nila ang bag sa anti-theft detector ng tindahan, hindi nga tumunog ang alarma.
Ayon kay P/Supt Romeo Santander, hepe ng CIB-CCPO, kayang mailusot sa anti-theft detector machine ang mga produkto kahit may nakakabit na bar code basta nasa loob ito ng bag na may insulator sheet.
Hinala pa ng opisyal, magkahiwalay na ipinapasok ng grupo ang bag at insulator sheet sa mall, at saka aayusin sa loob na lamang ng comfort room.
Dahil dito, nagbabala ang pulisya sa mga negosyante na mas maging maingat dahil nagiging mas madiskarte na ang mga magnanakaw.
Magpupulong din umano sa susunod na linggo ang mga security officer ng ilang negosyo sa Cebu para makabuo ng solusyon kung papaano malalabanan ang bagong taktika ng mga kawatan. -- FRJimenez, GMA News