ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sex video ni Paolo Bediones, mahigit 1 milyon na raw nai-share sa social media


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpatulong na sa pulisya ang television host at anchor na si Paolo Bediones para mahuli ang hinihinalang nagpakalat ng kaniyang sex video. Ang pangunahing suspek ni Paolo, ang mga technician na nag-ayos ng kanyang laptop.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, lumitaw na limang taon nang tila bina-blackmail ang news anchor.

Binasa ni C/Insp. Jay Guillermo, hepe ng anti-cyber crime group ng Philippine National Police ang isa sa dalawang sulat na ipinadala umano ng nag-black mail kay Bediones.

"Hawak ko ngayon ang mga sex videos mo, madali naman ako kausap. Kung ayaw mo lumabas ito sa publiko tawagan mo ako. Aantayin ko ang tawag mo, huwag mong patagalin... mainipin ako," nakasaad sa sulat.

Ang naturang sulat ay isinumite umano ni Bediones sa pulisya para magreklamo at humingi ng tulong na mahuli ang nagpapakalat nito.



Gayunman, hindi binanggit sa ulat kung may hiningi ba kay Bediones ang taong nagpadala ng sulat.

Ipinost din ni Bediones sa kanyang Instagram account ang naturang sulat matapos kumalat at pagpiyestahan sa social networking sites ang sex video.

Basahin: Kaso ng 'sextortion' o 'blackmail'?: Paolo Bediones, nagpakita ng sulat tungkol 'sex video'

Ayon kay Guillermo, nais ng news anchor na matukoy at mapanagot kung sino ang nag-upload ng kaniyang video sa internet.

Base sa reklamo ni Bediones, limang taon na sa kanya ang liham na natanggap niya noong 2009. Nasinundan pa raw ito ng isa pang liham at text message.

Ayon kay Guillermo, ipinagawa raw ni Bediones ang nasira nitong laptop sa technician sa Quezon City. Pagkaraan ng tatlong buwan, nakatanggap na raw ito ng sulat para ipaalam ang tungkol sa kaniyang sex video.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ipinasa pa raw ng technician ang laptop ni Bediones sa isa pang pagawaan ng laptop.

Dahil dito, pangunahing suspek ang mga ito na posibleng sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o anti cyber-crime law.

Base pa rin sa impormasyong nakalap ng PNP, sa Facebook umano unang nai-post ang video at mahigit isang milyong beses na raw itong nai-share sa social media.

Babala naman ng PNP, kahit ang mga nag-share lamang sa social media at mga media organization na maglalabas ng imahe sa video ay maaring makasuhan kung gugustuhin ni Paolo.

Ang naturang aksiyon daw kasi ay maituturing pagtulong ito sa naglabas para maikalat ang sex video at puwedeng mapanagot sa ilalim ng Section 5 ng anti-cybercrime law.

Sa isang pahayag, kinondena naman ng Commission on Human Rights ang pagkakalat ng video at nanawagan sila sa publiko na huwag nang ikalat pa ang nasabing video.

Sinubukan ng GMA Newsna kunan ng pahayag si Bediones pero wala pa siyang sagot sa ngayon. -- FRJimenez, GMA News