ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOH: Ligtas pa rin sa Ebola virus ang Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nananatiling ligtas pa sa ngayon sa nakamamatay na Ebola virus ang Pilipinas kasabay ng pinaigting na pagbabantay ng mga awtoridad sa mga dumarating sa airport mula sa mga bansa sa West Africa kung saan may mga kaso ng Ebola virus.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing mas mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa mga dumarating na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Partikular umanong binabantayan ang mga pasaherong dumarating galing sa mga bansa sa West Africa tulad ng Liberia, Guinea, at Sierra Leone.



Kaagad na sumasalang sa thermal scanner ng Bureau of Human Quarantine ang mga dumarating na pasahero at inaatasang mag-fill out ng health checklist para malaman ang kanilang medical history.

Kasama sa mga sintomas ng nakamamatay na Ebola virus ay lagnat, pananakit ng katawan, pagsusuka, external at internal bleeding.

Sa pinakahuling monitoring ng Department of Health, under observation pa rin ang pito sa 15 overseas Filipino workers na umuwi sa bansa na nanggaling sa Sierra Leone, na kabilang sa mga bansang tinamaan ng virus.

Sa kabila nito, muling tiniyak ng DOH na nananatiling Ebola virus free pa rin ang Pilipinas.

Nanawagan din ang DOH sa lahat ng mga pasaherong dumarating sa bansa na kung may nararamdamang sintomas ng Ebola ay kaagad makipag-ugnayan sa ahensiya sa pamamagitan ng DOH hotline number na 712-1001. -- FRJ, GMA News

Tags: ebolavirus