Herbert Bautista, nag-sorry sa pagsampal sa hinihinalang Chinese drug dealer
"Gusto ko talaga mag-apologize dahil hindi naman talaga ako 'yan, that is not my character." Ito ang inihayag ni Quezon City Mayor Herbert Bautista kaugnay sa ginawa niyang pagsampal ng dalawang beses sa isang Chinese national na nahulihan ng 10 kilo ng pinaniniwalang "high grade" shabu sa loob ng sasakyan sa lungsod nitong Biyernes.
Sa panayam sa telepono ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, ipinaliwanag ni Bautista na hindi lang siya nakapagtimpi dahil napansin niyang tila binabastos ng suspek ang mga awtoridad at batas ng bansa.
Basahin: Mayor Herbert Bautista, 'di nakapagtimpi sa hinihinalang Chinese drug dealer
"It's just that, bago magpa-interview, bigla siyang gumanon [nag-pose] sa likod ko, nabigla ako, and at first I was scared. Kinalma ko na lang muna sarili ko, then I realized na binabastos niya ang authorities ng bansa natin, even the laws," paliwanag ng alkalde.
Una rito, pinuna ni Commission on Human Rights (CHR) chairperson Loretta Ann "Etta" Rosales ang ginawang pananakit ni Bautista sa Chinese national na nakilala sa dala nitong driver's license bilang si Xu Zhen Zhi.
Ipinagtataka ni Bautista kung papaano nakakuha ng lisensiya ang suspek sa Land Transportation Office (LTO) kung totoo at hindi peke ang nakuhang lisensiya.
Sa naunang ulat, sinabi ni Rosales na, "any maltreatment of... persons detained for investigation and of the convicted prisoners is an outright defiance to the Declaration of the State Policy under Article II, Section 11 of the Philippine Constitution."
Isinasaad din sa nabanggit na bahagi ng Konstitusyon na, "the State values the dignity of every human person and guarantees full respect for human rights."
Ayon kay Bautista, sadyang hindi lang siya nakapagtimpi dahil sa hindi magandang inasal ng dayuhan. Tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon ang shabu na nakuha sa suspek.
Nang tanungin kung may pagsisisi ba ang alkalde sa nagawang pagsampal, sagot ni Bautista: "Siyempre masama ang loob ko kasi hindi naman talaga ako nananakit ng tao, but hindi ko napigilan ang sarili ko."
"I'm sorry Ma'am Etta, hindi talaga ako ganoong tao, hindi ako nanakit," dagdag niya.
Death penalty sa illegal drugs
Kaugnay nito, inihayag ni Bautista ang pagsuporta sa mga mungkahi na ibalik ang parusang kamatayan sa mga taong sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.
Puna ng alkalde, nagsisikip ang mga kulungan dahil marami sa mga nakapiit ay sangkot sa mga krimen na may kinalaman sa bawal na gamot.
Nalulungkot din si Bautista na ang pagpapatapon lamang o pag-deport ang posibleng kahantungan ng pagkakahuli sa suspek na pinaniniwalaang miyembro ng isang malaking sindikato.
"Idi-deport mo lang, 'yan ang parusa niya. Nakakasakit ng damdamin 'yon not only for people in government but in entire country di ba? Bakit parang ganun ang parusa sa kaniya, para sa mga dayuhan na gumagawa ng kaniyang klaseng problema sa ating lipunan," anang alkalde.
Dagdag niya, "Sa China kapag nangyari 'yan pinapatay. Dito [sa Pilipinas], sige sorry ho wala kaming death penalty idideport ka na lang namin. It's really painful sana talagang makulong 'yan, patawan ng kaso at mahui pa natin ang iba."
Pinaalalahan din umano ni Bautista ang hepe ng pulisya sa Quezon City na huwag hayaang makalusot ang suspek dahil bailable offense o walang piyansa ang kakaharapin nitong asunto.— FRJimenez, GMA News