ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Villar, Cayetano, Marcos: Sino ang pambato ng NP sa 2016 presidential polls?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa nakaraang pagpapanumpa ng Nacionalista Party (NP) sa mga lokal na opisyal ng Camarines Sur bilang mga bagong miyembro, inihayag ng isang opisyal na bahagi ito ng paghahanda ng partido sa May 2016 elections. Pero sino nga ba ang kanilang magiging pambato sa panguluhang halalan?

Nitong Huwebes, pinangasiwaan nina Sens. Bongbong Marcos Jr. at Cynthia Villar ang panunumpa ng mga bagong miyembro na pinangunahan nina Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte, at kaniyang ama na si LRay.

Kabilang din sa nanumpa si Libmanan mayor Marilyn Jimenez, at tatlong iba pang alkalde mula sa iba pang bayan ng lalawigan.

Sa unang pagkakataon, nagsama-sama sa iisang partido ang mga lider ng lalawigan magmula sa gobernador, bise gobernador, at ang 10 miyebro Sangguniang Panlalawigan.



Inamin naman ni Marcos na ang panunumpa ng mga bagong kasapi ng NP ay bahagi ng kanilang paghahanda sa 2016 presidential elections.

Pero sino nga ba ang isasabak ng partido sa panguluhan halalan?

Ayon kay Villar, wala na umanong planong kumandidato muli bilang presidente ang kaniyang mister na si dating Sen Manny Villar na tumakbo pero natalo noong 2010 presidential elections.

"Hindi, hindi, wala siyang...hindi siya nangangampanya," tugon ni Mrs. Villar nang tanungin kung kakandidato muli ang mister na siyang lider ngayon ng NP.

"Paniwala ni Sen. (Manny) Villar, ang presidency is destiny. 'Pag sa'yo 'yan, sa'yo 'yan. 'Pag hindi sa'yo, hindi sa'yo, kahit na may gawin ka o wala," dagdag ni Mrs. Villar sa  ulat ni Tricia Zafra sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado.

Bukod kay Manny Villar, lumulutang din ang pangalan ni Sen. Alan Peter Cayetano at Marcos na posibleng maging standard bearer ng NP.

Si Cayetano, minsan nang isinapubliko ang hangarin niyang kumandidato bilang pangulo sa ilalim ng kaniyang platapormang PTK o Presyo, Trabaho, Kita.

"The presidency... let's face it, the vice president cannot implement programs. Ang makakadala ng pagbabago, makakapag-implement ng programa ay yung presidente," pahayag nito.

Samantala, inihayag naman ni dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, na hangarin niyang masundan ng anak na si Sen. Bongbong ang yapak ng ama nito na si dating Pangulong Ferdinand Sr.

Nakikita umano ni Gng. Marcos ang isang isa pang Marcos sa Malacañang.

Pero paliwanag ni Sen. Bongbong, "Siyempre bilang mother, lahat ng pinakamagandang mangyayari sa akin iyon ang gusto niya. Hindi nakapagtataka na ganyan ang pronouncement ng isang ina. Tatlong taong-gulang pa lang ako, ganyan na salita niya."

Dagdag pa ng senador, "Walang nag-alok sa akin ng kahit ano dahil hindi namin pinag-uusapan ang eleksiyon."

Ilan pa sa mga pangalan na lumulutang na kakandidato sa panguluhang halalan ay sina Vice President Jejomar Binay, Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, at Manila mayor Joseph Estrada. -- FRJimenez, GMA News