Dalaga, dinukot at 3 araw daw hinalay ng ex-bf na nakilala niya sa Facebook
Isang 23-anyos na babae ang dinukot, sinaktan, pinasubo ng baril, at tatlong araw umanong hinalay ng kaniyang dating nobyo na nakilala lang niya sa Facebook.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing may trauma at panay pa rin ang iyak ng biktimang itinago sa pangalang Niña nang makapanayam.
Hindi pa rin umano nawawala sa isip ng biktima ang sinapit na kapahamakan sa kamay ng dating boyfriend na kumidnap, nanakit, at nanghalay sa kanya.
Matagal na raw niyang hiniwalayan ang lalaki na nakilala lang niya sa Facebook dahil na rin sa ginagawang pananakit sa kaniya noon.
Kuwento ni Niña, tinutukan siya ng baril at sapilitang isinakay ng suspek sa kotse nito nang lumabas siya ng bahay nitong nakaraang Sabado.
Pinagbantaan din umano siyang papatayin kapag nanlaban at tuluyang nawalan ng malay matapos siyang sakalin at suntukin.
Nang magkamalay, nasa condo unit na umano sila ng suspek sa Cainta, Rizal, at tatlong araw siyang ikinulong.
Itinali rin umano ng suspek ang kaniyang kamay at paa sa kama, at araw-araw siyang inaabuso sa loob ng tatlong araw na pagkakapiit.
Nitong Lunes, nagawa ng paraan ang biktima para makatakas nang isinama siya ng suspek sa isang mall sa Cainta para magpatattoo.
Nang makakita ng pagkakataon, tumakbo at kumapit umano si Niña sa security guard ng mall at gumawa ng eksena.
Pero nakipaghilahan pa muna umano ang suspek bago ito tumakas nang dadalhin na sila tanggapan ng mall.
Hinahanap na ngayon ng mga awtoridad ang lalaki na hindi na muna pinangalanan. Nahaharap siya sa reklamong forcible abduction at paglabag sa Republic Act 9262. -- FRJimenez, GMA News