ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gastos sa paggawa ng Makati Parking building, overprice ng 300 porsiyento, ayon sa abogado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iginiit ni Attorney Renato Bondal nitong Miyerkules na labis ng 300 porsiyento ang ginastos sa pagpapatayo ng 11-storey Makati City Parking building na nagkakahalaga ng P1.5 bilyon. Ang naturang gusali ang naging pakay ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon sub-committee, na pinamunuan ni Senador Aquilino Pimentel III.
 
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Bondal na base sa nakuha niyang kopya ng city ordinance na ipinalabas noong 2008, lumilitaw na naglaan ang lokal na pamahalaan ng P2.7 bilyon sa naturang konstruksiyon, at ang lumabas na kabuuang gastos lamang nito ay nasa P1.5 bilyon.
 
“Base sa city ordinance na ito, lumalabas na mas malaki pa pala sa idineklara nilang P1.5 billion ang proyektong ito,” ayon kay Bondal. “Lumalabas na 300 porsyento ang bukol o patong nga mga Binay dito.”
 
Paliwanag ng abogado, batay sa ginawang pagtaya ng independent construction firm na Cuervo Valuers and Advisory Inc., nasa P700 milyon lamang umano ang dapat na gastos sa pagpapagawa ng naturang gusali.
 
Ang kontrobersiyal na gusali ay may kabuuang floor area na 31,928 square meters (sqm). Mayroon itong limang parking floors, limang office floors at basement.
 
Sa alokasyon na P2.7 bilyon, sinabi ni Bondal na ang construction cost ng gusali ay aabot sa P84,000 per sqm. Ang naturang halaga ay higit na mas mataas umano sa construction costs ng isang Grade A buildings sa Makati kagaya ng 46-storey Shang Grand Tower, na ginastusan lang ng P2 bilyon (P40,000 per sqm), at ang The Residences na ginastusan ng P2.8 bilyon (P45,000 per sqm).
 
“Lumalabas na ito na yata ang pinakamahal na parking building sa buong mundo,” ayon kay Bondal.
 
Sa siyam na pahinang plunder complaint na inihain ni Bondal sa Office of the Ombudsman, inireklamo nito sina Vice President Jojemar Binay, anak nitong si Makati Mayor Erwin “JunJun” Binay at 21 iba pa kaugnay ng nasabing parking building na itinayo sa F. Zobel St. noong 2007.
 
Nang panahon iyon, ang nakatatandang Binay ang nakaupong alkalde ng lungsod at konsehal naman ang nakababatang Binay.
 
Nakasaad sa reklamo na nagbayad umano ng lokal na pamahalaan ng Makati ng P1.56 bilyon para sa pagtatayo ng gusali. Gayunman, lumitaw umano sa National Statistics Office na dapat na P245 milyon lang ang halaga nito.
 
Si Bondal ay tumakbo pero natalong alkalde ng Makati noong nakaraang 2013 elections laban kay Binay.
 
Wala pang clearance sa COA

Samantala, nilinaw ni Commission on Audit (COA) chairperson Grace Pulido Tan sa pagdinig na hindi pa nila opisyal na idinedeklara na walang overpricing sa pagpapatayo ng gusali.

“Wala kaming clearance na binigay at hindi talaga kami nagbibigay ng clearance,” paliwanag ni Tan sa mga senador.

Dagdag niya, ang memorandum na iprinesinta nila sa pagsisimula ng pagdinig ay “internal communication” lamang ng resident auditor na si Cecilia Cagaanan na kaniyang “direct supervisor.”

“I think most of what I heard on the COA was taken from this memorandum,” anang opisyal. “It is still [being] evaluated in the central office. At this stage, it is still a report and being evaluated, so there are still a lot to be done in respect of this memo.”

Sa isang pahayag bago ang pagdinig, iginiit ni Mayor Binay na walang anomalya sa naturang pagtatayo ng gusali na inilarawan niyang “world-class.”

Dagdag ng alkalde, batay sa isinagawang pagsusuri ng technical audit specialist sa unang bahagi ng 2014, kasunod na rin ng kahilingan ng kaniya umanong mga kalaban sa pulitika, lumitaw na ang "contract prices are reasonable.”

“They conducted review. I quote, the report did not disclose any adverse actions,” ani mayor Binay. “Thus, it could be construed the payments were allowed in audit. Walang nakitang iregularidad ang COA, na nagbabantay at naggagawa ng audit sa bawat proyekto ng ahensya ng local at national government.”

Pero paliwanag ni Tan, posibleng may problema sa isinagawang pagsusuri dahil isinagawang pagdetermina sa halaga ng proyekto na "phase-to-phase basis" at hindi sa kabuuan mismo ng proyekto.

“Siguro ay may kaunting problem na kinonsider siya phase-to-phase,” ani Tan. “Implementing it in phases is a matter of timing pero pagka-ano nito kada phase is one contract.”

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Bondal na hinati-hati ang naturang proyekto sa pagtatayo ng gusali.

“Ang pag-proyekto sa Makati, china-chop chop nila ang kontrata. Walang bini-bidding na ano ang tunay na halaga,” giit niya. “Malalaman niyo lang ang pinakamahalagang ginugol ng Makati 'pag tapos na kasi china-chop chop nila.”

Inamin naman ni nayor Binay na "practice" nila sa Makati ang paghati-hati sa mga ipinatutupad na proyekto.

Ang kontrobersiyal na parking building project ay lumitaw na hinati sa limang bahagi.—FRJimenez, GMA News