Nasawi sa Bulacan field trip, 6 na; ex-member ng 'EB' Babes, 'di pa nakikita
Umakyat na sa anim katao ang nasawi sa pagkakalunod sa isang ilog sa San Miguel, Bulacan makaraang makuha nitong Miyerkules ang mga labi ng dalawa pang mag-aaral ng Bulacan State University. Patuloy pa ring hinahanap si Maiko Bartolome, na dating miyembro ng dance group na "EB Babes" ng "Eat Bulaga."
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, kinilala ang mga nakuhang mga labi nina Madel Navarro at Janet Rivera. Nauna nang naitalang nasawi sina Helena Marcelo, Michelle Ann Rose Bonzo, Sean Alejo, at Mickel Alcantara.
Ang mga biktima ay sinasabing nasawi nang magkaroon ng flash flood sa Madlum River sa bayan ng San Miguel. Ang pamamasyal ay bahagi umano ng field trip ng BSU kung saan kabilang sa kanilang pinuntahan ang nabanggit na ilog at ang Madlum Cave.
Sa paunang imbestigasyon, sinasabing nagpapakuha ng larawan ang mga estudyante nang biglang magkaroon ng paglaki ng tubig sa ilog at tinangay ang mga biktima.
Pinag-aaralan na umano ng pamahalaang panlalawigan na bumuo ng local tourism board para magtakda ng panuntunan sa mga bibisita sa lugar, na pansamantalang isinara sa publiko.
Ayon kay Bulacan Vice Governor Daniel Fernando, itinigil na muna ang search-and-rescue operations dakong 5 p.m. matapos maubusan ng oxygen ang tangke ng mga sumisisid sa ilog.
Magpapatuloy umano ang paghahanap sa Huwebes.
Samantala, sinabi sa ulat na pinag-aaralan ng mga kaanak ng mga biktima na maghain ng reklamo laban sa BSU dahil sa insidente.
Inihayag naman ng Commission on Higher Education na bubuo sila ng task force para imbestigahan ang nangyari.
Hindi matanggap ng mga kaanak ng mga biktima ang biglang pagkamatay ng mga mahal sa buhay dahil sa pagsama sa field trip na dapat tiniyak daw ng pamunuan ng unibesidad na ligtas.
"Dapat sana 'pag nagpa-tour sila make sure at least 90 percent safe. Hindi basta, dahil iningat-ingatan mo 'yan, nagpakapagod para sa trabaho, para maano ang bata, tapos biglang mawawala na lang nang ganun-ganun," hinanakit ng ina ng nasawing si Marcelo.
Samantala, nagpakita naman ang pamunuan ng BSU ng pinirmahang waiver ng mga mag-aaral at kanilang magulang na walang dapat panagutan ang unibersidad sakaling may masamang mangyari sa estudyante.
Pero nilinaw ng BSU na walang saysay ang waiver kapag napatunayan na nagkaroon ng kapabayaan ang nag-organisa ng field trip. —Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News