Filtered By: Topstories
News

International sea port sa Sual, Pangasinan, planong gawing container port


Bunsod ng patuloy na paglala ng port congestion sa Maynila, balak ng provincial government na gawing container port ang international sea port sa Sual, Pangasinan.
 
Sa ulat ni Jasmine Gabriel sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing plano ng pamahalaang panlalawigan na ialok sa mga pribadong ahensya sa pribadong sektor pantalan para mapabilis ang konstruksiyon nito.
 
Bukod sa container sea port, maaari rin daw itong gawing sub-port ng San Fernando City, La Union.
 
Hhinihintay na lamang umano ng provincial government ang pinal na memorandum of agreement mula sa lokal na pamahalaan ng Sual.

 
Hindi lang raw makakatulong sa ekonomiya ng Pangasinan ang planong ito, kung hindi magiging solusyon din sa problema ng pagsikip sa pantalan ng Maynila.
 
Mahigit 70,000 containers ang kasalukuyang nakaimbak sa pier ng lungsod ng Maynila, na higit sa normal na kapasidad ng pantalan.
 
Kasunod nito, umarkila ng barko ang mga terminal operator upang maibiyahe ang mga container patungong Subic.
 
Tinatayang umabot sa P14M ang nagastos para sa nasabing operasyon.
 
Gayunpaman, hindi pa man masyadong nababawasan ang mga container sa pier ng Maynila, halos puno na ang bakanteng espasyo sa Subic Bay International Container Terminal.
 
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), maaaring lumala pa ang port congestion sa pagpasok ng “ber” months, sa oras na dumagsa ang maraming importasyon.
 
Giit ng ahensiya, naiipon ang mga container sa pantalan dahil sa mabagal na delivery ng mga truck.
 
Isinisisi pa rin ito ng PPA sa truck ban na ipinatutupad sa Maynila. Kahit raw kasi may express lanes, nagagamit lang ito ng mga truck na patungong North at South Luzon. 
 
Dagdag pa ng mga opisyal ng ahensya, kung hindi luluwagan ang regulasyon sa mga truck na bumabyahe sa Maynila, maaaring mabulok ang mga produktong iaangkat tulad ng mga prutas at gulay na ibebenta pagdating ng Pasko. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA New