ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rise of the vending machines: Bili na ng mainit na bulalo at chicken soup, wifi at iba pa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May karibal na ang mga karinderya sa pag-aalok ng mainit na sabaw ng bulalo at manok sa murang halaga -- ang mga vending machine. Pero bukod sa mga produkto, naghahatid na rin ng serbisyo ang mga makinang ito tulad ng wifi at load sa cell phone.

Sa ulat ng GMA news "Saksi" nitong Biyernes, ipinakita ang iba't ibang produktong mabibili sa mga vending machine, hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa ibang bansa.

Gaya sa Japan na halos lahat na umano ay mabibili sa mga vending machine gaya ng ice cream, sigarilyo at mga comic books o manga.

Habang sa Dubai, ang ilang vending machine doon, bigtime na nagbebenta ng gintong alahas at gold bars.

Para naman sa mga Pinoy na mahilig sa tingi-tingi, hindi magpapahuli ang mga vending machine na mula sa inaalok na mga inumin gaya ng ice tubig, kape at chocolate, ngayon, mayroon na rin sabaw ng bulalo at manok, wifi, charge ng batterry ng cell phone at maging load-- sa napakamurang halaga.



Ang mga nakahigop ng sabaw ng bulalo at manok  sa vending machine, napahanga.

"Bulalong-bulalo ang lasa, beef na beef, iisipin mo kung may karne ba ito," ayon sa nakatikim.

"Lasang chicken talaga tapos best siya sa mga bata makakatikim," ayon sa isa pang nakasubok ng sabaw mula sa vendo machine.

Pahayag naman ni Jerwin Aleman na nagbebenta ng sabaw mula sa vendo machine, mabuti ito lalo na sa panahon ng taglamig at tag-ulan dahil makakatulong ito para magpainit ng sikmura ng mga tao.

Para sa mga mahilig mag-cell phone, may vending machine din para sa tingi-tinging prepaid load.

Mayroon din para sa pagcha-charge kung low-batt o wala nang baterya ang phone.

Sa mga nais mag-internet para makapag-Facebook, may wifi vending machine na rin.

Sa halagang P10 na ihuhulog sa vending machine, puwede nang mag-internet ng isang oras.

Kung mabilisan naman, P1 lang ang katapat para sa anim na minutong internet.

At kung ginahawa sa mga konsumer ang dulot ng mga vending machine, kita naman ang handog nito sa mga negosyante at nais ng kakaibang hanapbuhay.

Gayunman, may ilan na dapat isaalang-alang sa pamumuhunan sa mga makinang ito.

Ayon kay Jerry Laio ng isang technology expert, dapat tiyakin na may steady na suplay ng kuryente sa lugar na paglalagyan ng makina, tiyakin ligtas ang lugar laban sa mga kawatan. -- FRJimenez, GMA News