Ilang residente sa Danao City, nabahala sa kaso ng meningococcemia
Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lungsod ng Danao sa lalawigan ng Cebu sa sakit na meningococcemia matapos masawi ang isang residenteng tinamaan nito.
Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV's "News To Go," sinabing nababahala ang mga residente ng lungsod dahil dito.
Kasalukuyan namang minomonitor ang mga taong posibleng nakasalamuha ng 50-taong-gulang na biktima. Binigyan ang mga ito ng mga gamot upang labanan ang mga sintomas ng nasabing sakit.
Samantala, patuloy namang tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit na chikungunya sa lalawigan ng Iloilo.
Nasa 23 na ang kompirmadong kaso nito na 11 sa bayan ng Oton, pito sa Carles, dalawa sa Tigbauan at itg-isa sa Alimodian, Badiangan at Igbaras.
Mahigit 200 naman ang kabuong bilang ng pinagsususpetsahang kaso nito sa bansa.
Kagaya ng sakit na dengue, nakukuha rin ang chikungunya mula sa kagat ng lamok. Gayunpaman, hindi ito nakamamatay kung maaagapan.
Ilan sa mga sintomas ng chikungunya ang sakit ng ulo, pagsusuka, pananakit ng mga kasu-kasuan at ng katawan, at pagkakaroon ng rashes. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News