Lalaking turista, napiling gawin sa dancing fountain ng Vigan City ang wedding proposal sa nobya
Pinag-aaralan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Vigan city sa Ilocos Sur na lalo pang pagandahin ang dancing fountain nito matapos doon gawin ng isang lalaking turista ang pag-alok nito ng kasal sa nasorpresa niyang nobya.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing lalong naging romantiko ang dinadayong dancing fountain ng Vigan dahil sa ginawang wedding proposal ng lalaki sa kaniyang kasintahan.
Namasyal lang sa Vigan ang magkasintahan na taga-Maynila, at hindi raw inasahan ng babae ang gagawin ng nobyo.
Kaya naman mapaluha ang babae nang lumuhod na sa harap niya ang kasintahan.
Nang ibigay ng babae ang matamis nitong "oo" sa nobyo, sinimulan ding buksan at pagsayawin ang fountain.
Dahil dito, pinag-iisipan umano ng lokal na pamahalaan na lalo pang pagandahin ang lugar. -- FRJ, GMA News