Pag-sorry ni Ramon Bautista, tinanggap ni Mayor Duterte
Tinanggap ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang ginawang pag-sorry ng komedyanteng si Ramon Bautista, na idineklarang "persona non grata" sa ipinasang resolusyon ng Konseho ng lungsod.
Sa kaniyang Twitter account, nag-post si Bautista ng mensahe na, "Say hello to my new friend."
May kasama itong link sa kaniyang Instagram account na makikita ang larawan ni Duterte at sulat na ibigay sa kaniya ng alkalde.
May caption ang larawan na: "Ramon, si Rodrigo ito..." ang bungad nya. Tapos nag usap kami... and there was peace."
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ng Konseho ng Davao city ang isang resolusyon na nagdedeklarang persona non grata o hindi papayagang mabalik sa kanilang lugar si Bautista.
Ang konseho ay pinamumunuan ng anak ni Duterte na si vice mayor Paolo Duterte.
Ang resolusyon ay kaugnay sa ginawang pagbibiro ni Bautista nang sabihin na maraming "hipon" sa Davao habang dumadalo sa Kadayawan Festival.
Ang hipon ay paglalarawan sa taong may magandang katawan pero hindi kagandahan ang histura.
Sakabila ng paghingi ni Bautista ng paumahin, inaprubahan pa rin ng konseho ang resolusiyon. Gayunman, sinabi ni vice mayor Duterte na maaaring mabawi ang resolusyon kung patatawarin ito ng alkalde na kaniyang ama.
Nagpakumbaba
Napag-alaman na humanga si Mayor Duterte sa ginawang pagpapakumbaba ni Bautista sa paghingi nito ng paumhin sa ginawang pagbibiro.
Naging tulay sa pagpapatawad ni Duterte ang RockEd founder na si Gang Badoy, na kaibigan ni Bautista.
Nagkausap sina Badoy at Duterte sa Davao City airport kaugnay sa planong proyekto ng RockEd sa Davao del Sur na may kaugnayan sa recycled materials.
Sa pag-uusap, nabanggit ni Badoy sa alkalde ang insidenteng kinasangkutan ni Bautista.
"Parang OK naman talaga siya, mahirap yung ginawa niya, mahirap mag-sorry," pahayag umano ni Duterte kay Badoy.
Matapos silang mag-usap ng alkalde, tinawagan ni Badoy sa telepono si Bautista. At sa hindi kalayuan, tinanong ni Duterte si Badoy, "Si Ramon ba 'yang kausap mo?"
Sa pagkakataong ito, kinausap na ni Duterte sa telepono ang aktor at doon na naresolba ang problema ng komedyante.
Ayon kay Badoy, nagbiro pa sa kaniya si Duterte: "Padadalhan ko si Ramon ng kilo-kilong hipon."
Iminungkahi naman ni Badoy sa alkalde na kung maaaring gumawa ito ng sulat para kay Bautista na ginawa naman ni Duterte na ipinakita ng komedyante sa kaniyang Instagram account.
Kaugnay nito, sa kaniyang post sa Facebook account, sinabi ni Mayor Duterte na hindi dapat maging usapin ang ginawa niyang pakikipagkasundo kay Bautista.
"Let me remind the honorable vice mayor and the majority that their decision to declare Ramon Bautista persona non grata is a city council resolution and not an ordinance. It does not bind me and everyone else who disagree with it," anang alkalde.
Dagdag niya, "The essence of democracy is the right to dissent. As Voltaire would put it, 'I may disagree by what you say, but I will defend your right to say it.'"
Hindi rin umano makabubuti na magtanim ng galit sa taong nagpakumbaba at humingi ng paumanhin sa kaniyang nagawa.
"When a man humbles himself and apologizes for uttering a slur, that itself erases the wrong...to nurture residual hate against the guy is a human frailty," ayon kay Duterte. -- FRJ, GMA News