ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang menor de edad na biktima ni 'Yolanda' sa probinsiya, nasagip sa prostitusyon sa Caloocan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinakasan nila ang kahirapan sa Samar dahil sa hagupit ng bagyong "Yolanda." Sa pagpunta nila sa Metro Manila, nasadlak naman sila sa putikan matapos mapasok sa iligal na gawain ng pagbebenta ng katawan.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nasagip ang ilang mga babae, kabilang na ang ilang menor de edad, sa magkasabay na raid na isinagawa sa isang hotel at isang bahay na mga pugad umano ng prostitusyon sa Caloocan City.

Ilan sa mga nasagip na babae ay mga menor de edad na umalis umano sa kanilang probinsiya sa Samar matapos masalanta ng bagyong "Yolanda."

Ang entrapment at rescue operation ay isinagawa ng mga operatiba ng Anti-Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation sa M.H. del Pillar St. sa Caloocan city nitong Huwebes ng gabi.



Ginawa ang operasyon para sagipin ang mga menor de edad na nagbebenta umano ng katawan.

Magkasabay na sinalakay ng mga operatiba ang isang hotel at isang bahay na pinaniniwalaang pugad ng prostitusyon.

Siyam na babae ang nasagip at nahuli naman ang ilang pinaniniwalaang bugaw.

Ilan sa kanila ay pinaniniwalaang menor de edad mula sa Samar na mga biktima ng bagyong "Yolanda."

Ayon kay Atty Basset Sarip, exec. officer ng anti-human trafficking Div., sinabi ng mga nasagip na babae na galing sila sa lalawigan ng Samar.

Inimbitahan din ng mga awtoridad ang kahera ng hotel, na pinagdadalhan umano ng mga babae.

Sa drawer ng kahera, nakita ang mga condom na maaaring maging ebidensya laban sa kanila.

Wala rin daw permit para mag-operate ang naturang hotel.

Itinanggi naman ng nahuling bugaw ang paratang sa kanila.

Pero ang isa nilang kasama, umamin na limang buwan na niiyang ginagawa ang pambubugaw.

Sinabi nito na P600 ang presyo ng bawat transaksyon na kanilang naisasara, at P100 dito ang kaniyang komisyon.

Mahaharap ang mga nadakip sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o ang anti human trafficking act.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para madakip ang itinuturong utak ng naturang prostitusyon. -- FRJ, GMA News