Rehiyon sa bansa na may pinakamaraming kaso ng rape at karahasan sa kababaihan
Alam niyo ba kung saang rehiyon sa bansa ang may naitalang pinakaraming kaso ng pang-aabuso at insidente ng karahasan laban sa kababaihan?
Batay sa datos ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police (PNP-WCPC) noong 2013, ang Region IV-A ang nakapagtala ng pinakamataas ng kaso ng rape sa Pilipinas na umabot sa 833.
Ang R-IV-A ay binubuo ng mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal.
Sumunod naman ang National Capitol Region (599 kaso), Region VI (582), Region V (538), at Region III (484).
Pinakamababa naman ang kaso rape na naitala sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (29 na kaso), Region IX (103), Region VIII (104), at Region XII (150).
Sa kaso naman ng karahasan laban sa kababaihan o violence against women (VAW), ang ARMM rin ang may pinakamababang kaso na umabot lang sa 86 noong 2013.
Ang Region VI o Western Visayas, ang may pinakamataas na kaso ng VAW na umabot sa 4,833.
Sa 13 klasipikasyon ng kasong pasok sa VAW, pinakamarami ang naitala tungkol sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Sumunod dito ang physical injuries, acts of lasciviousness, at ang rape. -- FRJimenez, GMA News