ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

SC, iginiit na nanghingi ito ng pondo para sa eCourts


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Taliwas sa pahayag ng Malacañang, iginiit ng Korte Suprema na nanghingi sila ng budget para sa electronic courts (eCourts) ng hudikatura.

Humiling ng pondo ang mataas na hukuman para sa Information Technology infrastructure at para sa connectivity na kinakailangan sa nationwide computerization ng hudikatura, ayon sa isang tweet mula kay Lia Mañalac-del Castillo ng GMA News.

Dagdag pa ng mataas na hukuman, ang imprastrukturang ito ang magiging pundasyon ng pambansang eCourts at iba pang IT systems.

Humiling ito ng P70 million upang makakuha ng computers para sa data storage sa Angeles Hall of Justice, at karagdagang P45.3 million para sa small-claims case monitoring system.

Matapos iulat ang pahayag ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nagsasabing ang kakulangan ng pondo ang maaaring hadlang sa pagsasakatuparan ng eCourts, iginiit ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte noong Sabado na hindi umano humiling ng anomang pondo ang mataas ng hukuman para sa eCourts sa taong 2014 at 2015.

Kamakailan lamang, ikinadismaya ni Sereno ang aberya sa mga programang pang-reporma tulad ng eCourts dahil sa kakulangan sa pondo.

Paliwanag niya, nagbibigay-daan ang eCourts sa "random electronic system and raffling," na nagtatanggal ng pangangailangan sa isang tagapamagitan na siyang nagiging ugat ng korapsyon sa mga hukuman.

"The problem is that the executive department deleted our request for funding of more eCourts,” ani Sereno.

Nananawagan pa rin ang chief justice sa publiko na ipagpatuloy ang pagbibigay-tiwala sa sistema ng mga hukuman ng bansa.

Aniya, “Judiciary is strong if the people believe in it… I hope the people will work for a strong and independent judiciary.”

Samantala, iginiit ni Valte na gumawa ng aksyon ang Ehekutibo sa hiling na information technology project ng hukuman na tinatawag na Enterprise Information Systems Plan (EISP).

“Sa ating nakikita, at least under this administration, patuloy ang suporta na binibigay sa kasamahan natin sa judiciary,” dagdag pa niya. — Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News