4-anyos na lalaki, inabuso umano ng 42-anyos na lalaki na kinakasama ng kaniyang lola
Dinakip ang mga awtoridad sa Cebu City ang isang 42-anyos na lalaki matapos siyang akusahan ng pang-aabuso sa apat-na-taong-gulang na batang lalaki na apo ng kaniyang kinakasama.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA-Cebu sa GMA news Saksi nitong Miyerkules ng gabi, sinabing napasugod sa prisinto sa Cebu city ang 29-anyos na ina ng biktima para ireklamo ang lalaking kinakasama ng kaniyang ina (lola ng bata).
Kuwento ng nanay, naglalaro lang daw sa labas ng bahay ang kaniyang anak nang tawagin ito ng suspek para bigyan ng P5.
Nalaman daw ng ina ang masaklap na sinapit ng anak nang dumaing ang bata sa pagdurugo ng kaniyang puwitan.
Nang tanungin daw ng ina kung ano ang nangyari, sinabi umano ng biktima na may ipinasok sa maselang bahagi kaniyang katawan ang suspek.
Sa medical exam sa bata, nakita ang palatandaan na inabuso ang biktima.
Dahil dito, inaresto ang suspek at nahaharap sa reklamong statutory rape at child abuse.
Mariin namang itinanggi ng suspek ang alegasyon laban sa kaniya.
"Paggising ko hinuli na ako, wala akong alam dahil natutulog lang ako," paliwanag ng suspek.
Napag-alaman na anim na buwan pa lamang nagsasama ang suspek at ang lola ng bata. -- FRJ, GMA News