Ok lang ba na 16 ang numero na ilagay sa plaka ng mga taxi?
Sa mga nareklamo laban sa mga modus ng ilang tiwaling taxi driver gaya ng "ipit-taxi," kabilang sa mga unang itinatanong ng mga awtoridad sa biktima ay kung nakuha ba nito ang plaka ng sasakyan. Pero papaano mo matatandaan ngayon ang plate number ng taxi kung mula sa kasalukuyang tatlo letra at tatlong numero ay ginawa itong 16 na numero?
VIDEO: Mga pasahero ng taxi, pinag-iingat sa biglang-sakay modus
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing agaw-pansin ang bagong plakang ng isang taxi dahil sa 16 nitong numero.
Malayo ito sa kasalukuyang tatlong letra at tatlong numero lang sa mga sasakyan.
Tanong sa ulat, paano raw kakabisaduhin ng publiko ang 16 numero ng plaka sakaling isumbong ito o nagamit sa krimen?
Ang mga bagong taxi na wala pang prangkisa pero pinayagan nang bumiyahe ang may ganitong plaka na ibinigay ng Land Transportation Office o LTO.
Ang mismong taxi driver na may 16 na numero ng plaka, aminadong siya man ay hirap na kabisaduhin ang mga numero.
Napag-alaman na ang 16 na numero ay ang "field case number" ng certificate of registration na ibinigay ng LTO sa halip na conduction sticker.
"Hindi ko rin po kabisado dahil sa sobrang haba. Pati nga iyong mga guwardya sa subdivision iyon din ang inirereklamo [dahil] hindi raw nila mai-log book kaagad dahil marami," anang drayber ng taxi.
Ayon naman sa LTO, lehitimo ang paggamit ng field case number. Patunay daw kasi ito na rehistrado ang taxi.
Ipinag-utos daw nila ito ilang buwan na ang nakararaan kaya daan-daang bagong taxi ang gumagamit nito ngayon.
Aminado man si Jason Salvador, spokesman ng LTO, na mahirapan kabisaduhin ang mga numero, iginiit niya na kailangan na makita na rehistrado ang sasakyan.
Dagdag pa niya, pansamantala lang naman ang naturang 16 na numero.
Pero ang National Council for Commuter Protection o NCCP, nagpahayag ng pangamba na baka magamit sa krimen ang mga taxi plaka dahil hindi madaling tandaan ang numero ng plaka.
Ayon kay Elvira Medina, presidente ng NCCP, dapat daw ibitin ng patiwarik ang may pakana ng napakaraming numero sa plaka dahil hindi nito alam ang ginagawa.
Hinamon din niya ang mga taga-LTO na kabisaduhin ang 10 numero sa loob ng dalawang minuto.
Sinabi pa sa ulat na lagi pa namang ipinapayo ng Land Transfortation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko tandaan ang plate number ng sasakyan o i-text sa kakilala ang plaka nito bilang pag-iingat o sakaling ireklamo ang taxi ay madaling matutukoy.
Paliwanag ni Salvador, kung mahihirapan makuha ang numero ng plaka, may iba pang identifying marks sa taxi na puwedeng tandaan tulad ng kulay at pangalan ng taxi o kumpanya. -- FRJimenez, GMA News