Lalaki na umano'y gumahasa sa dalagang nakilala niya sa Facebook, nahuli na
Sa tulong ng programang "Imbestigador" at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), nadakip na ang lalaki na umano'y gumahasa at nagsubo ng baril sa isang 23-anyos na babae sa loob ng tatlong araw.
Sa ulat ni Isay Reyes sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naaresto ang suspek sa bahay nito sa Rizal, isang buwan matapos unang maibalita ang nangyari sa biktima na itinago sa pangalang "Niña."
Ayon kay Niña, dinukot siya ng suspek at dinala sa isang lugar kung saan tatlong araw siyang inabuso. Ipinasubo pa raw ng suspek ang baril nito sa kaniyang bibig.
Basahin: Dalaga, dinukot at 3 araw daw hinalay ng ex-bf na nakilala niya sa Facebook
Pero nakatakas ang biktima nang dalhin siya sa isang mall at makahingi ng saklolo sa mga security guard. Gayunman, nagawang makatakas noon ng suspek.
Matapos nito, lumapit ang biktima sa programang "Imbestigador," na nakipag-ugnayan naman sa NBI para madakip ang suspek.
Sa bisa ng warrant para sa illegal possession of firearms, ikinasa ang operasyon at nahuli ang suspek sa bahay nito.
Hindi naman napigilan ng biktima na hampasin ng bag ang suspek nang magkaharap sila.
"Nung nakita ko po siya, para pong nag-flashback sa akin lahat ng mga ginawa niyang kahayupan sa akin...hindi ko na po talaga napigilan. Kulang po yung ginawa ko sa lahat ng mga naagrabyado niya dati saka sa akin," ani Niña.
Nang makausap ng "Imbestigador" ang suspek, pinasinungalingan nito ang mga paratang sa kaniya.
Aniya, may relasyon pa rin sila ng biktima at hindi raw niya ito pinilit na sumama sa kaniya.
Nais ng biktima na mabulok sa kulungan ang suspek para hindi na umano makapambiktima ng iba.
Nauna nang sinampahan ni Niña ng reklamong forcible abduction, rape at physical abuse ang suspek.
Pero ayon sa NBI, nahaharap din ang suspek sa kasong illegal possession of firearms and ammunition. -- FRJ, GMA News