Dalagita sa Cebu City, hinoldap na, minolestya pa raw ng 2 suspek
Isang 14-anyos na babae ang nagsumbong sa himpilan ng pulisya na matapos umanong holdapin ay tinangka pang halayin ng dalawang lalaki sa Cebu City.
Sa ulat ni Randy Gullon ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes, sinabing dumulog sa Mambaling Police Station sa Cebu city ang biktima na itinatago sa pangalang "Ana."
Ayon kay Ana, hinoldap siya ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo nitong Linggo ng madaling araw.
Kuwento pa ng biktima, naglalakad siya sa N. Bacalso St. nang bigla siyang harangin ng mga suspek.
Tinutukan umano siya ng baril at pinasakay sa motorsiklo at dinala sa bahagi ng South Road Properties.
Matapos na kunin ang kaniyang pera na nagkakahalaga ng P2,000.00, inalisan umano siya ng shorts ng mga suspek at hinawakan ang kaniyang dibdib.
Sinuntok pa raw siya ng suspek nang manlaban siya. Pero nagawa niyang makatakas nang may dumating na nagpapatrolyang guwardiya.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang mga suspek matapos makuha ng biktima ang plate number ng motorsiklo ng mga ito.
Isasailalim naman sa counseling ang biktima. -- FRJ, GMA News