VP Binay at Sec. Roxas, magkahiwalay na bumisita at namigay ng relief packs sa evacuees
Magkahiwalay na nagtungo sa mga evacuation center sina Bise Presidente Jejomar Binay at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas upang kamustahin at magbigay ng tulong sa mga sinalanta ng bagyong "Mario."
Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Sabado, sinabing binisita ni Binay ang mga evacuee sa Santo Domingo church sa Quezon City.
Namigay din umano ang Office of the Vice President ng relief goods sa mga nasa evacuation center sa San Mateo, Rizal, Parañaque at Maricaban sa Pasay City.
Nagpadala pa si Binay ng rescue teams sa Araneta Avenue sa Quezon City kung saan 98 pamilya ang inilikas.
Makaraan nito, nagpunta rin umano ang naturang rescue teams sa ilan pang binahang lugar.
Sa hiwalay na ulat naman ni Katrina Son sa 24 Oras, sinabing kabilang ang evacuation center sa Marikina sa mga pinuntahan at sinuri ni Roxas.
Bagaman nakita ng kalihim na maayos naman ang kalagayan ng mga evacuee, pinuna nito na mayroon pang puwedeng gawin para mapagaang ang kalagayan ng mga lumikas gaya ng dagdag na palikuran.
"Yung sa health and sanitation may mga toilet itong mga gusali na ito pero medyo kulang-kulang. But nakita naman natin na may potable water truck na inihatid dito kaya nakakasiguro tayo na maiiwasan natin yung sakit sa bituka," anang kalihim.
Sunod na pinuntahan nina Roxas kasama si Presidential spokesman Edwin Lacierda, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police, ang Santolan Elementary school sa Pasig na may 700 pamilyang evacuees.
Sa Bagong Silangan Elementary school sa Quezon city, kinamusta ni Roxas ang pamilya ng tatlong-taong-gulang na batang nalunod sa baha.
Namigay din ang grupo ni Roxas ng mga food packs mula sa Department of Social Welfare and Development na may laman na ilang de lata, noodles at anim na kilong bigas na maaring magtagal ng dalawa hanggang tatlong araw.
Kapansin-pansin naman daw na malinis na ang karamiham sa mga daanan, at wala na ang baha sa karamihan sa mga lugar sa Marikina.
Naikumpara rin ni Roxas ang mas mababang bilang ng nasawi sa bagyong "Mario" kaysa kay "Ondoy" dahil umano sa pagtutulungan at pagiging alerto ng publiko. -- FRJ, GMA News