ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

21 kabataan na sangkot umano sa hazing, dinakip


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dinakip ng mga awtoridad ang 21 kabataan na sangkot umano sa hazing sa Victorias City, Negros Occidental. Ayon sa isang opisyal ng barangay, isang babae na may takip ang mata ang natadnan nila sa bahay na pinagdausan umano ng initiation.
 
Ayon sa ulat ni Erwin Nicavera ng GMA Bacolod, mayroong nagsumbong sa kapitan ng barangay tungkol sa nagaganap na hazing umano sa isang bahay sa Barangay 12 ng Victorias City.
 
Nakita sa nasabing bahay ang ilang paddle na maaaring ginamit ng mga kabataan sa pagsasagawa ng hazing bilang bahagi ng initiation sa kanilang fraternity.
 
“Pagdating namin, isang babae ang may piring sa mata. 'Yun ang isusunod siguro sa hazing. Bale isa pa lang ang na-hazing nila noon,” salaysay ng punong barangay na si Gary Bacay.

 
Sa kabuuan, 27 kabataan ang nadatnan sa bahay, ngunit 21 lang sa kanila ang nadakip, kabilang ang 17 estudyante mula sa isang pampublikong unibersidad sa lungsod.
 
Depensa ng mga nahuli, hindi hazing kundi pulong lang kasama ang mga bagong miyembro ng kanilang grupo ang kanilang ginawa.
 
Matapos dalhin sa presinto, ipinaalam ng awtoridad sa pamunuan ng unibersidad ang nangyari, at saka pinakawalan na rin ang mga kabataan. Ipapaubaya na umano nila sa unibersidad ang pagpataw ng karampatang disciplinary action sa mga ito.
 
Ayon sa guro ng unibersidad na si Noel Fordante, “Bale gumawa na ng reports ang school sa aming presidente through the dean of student affairs and then subject for investigation. Whatever disciplinary action ang mapagdesisyunan sa student affairs, i-impose talaga natin.”
 
Gayunpaman, hindi na raw palalagpasin ng pulisya at makakasuhan na ang mga sangkot sa oras na mangyari muli ang ganitong insidente.
 
Sa ilalim ng anti-hazing law, posibleng makulong ng panghabambuhay ang sinomang mapapatunayang sangkot sa anomang uri ng hazing.
 
Nanawagan naman sa mga kabataan si P/Supt. Santiago Rapiz, hepe ng Victorias City Police, na iwasan na ang pagsali sa mga fraternity.
 
Aniya, “Inaabisuhan natin ang mga kabataan na dini-discourage natin ang pagsali sa mga fraternity kasi nalalaman natin in a fraternity may hazing or nangyayari talaga ang initiation.” -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News