'Bossing,' 'peg', 'hashtag,' at iba pa: Anong salita ang dapat na maging 'word of the year' ng mga Pinoy?
"Hashtag," "bossing," at "peg." Ilan lamang ito sa 13 salita na pinagpipilian ng Komisyon ng Wikang Pilipino bilang "word of the year" sa bansa. Anong salita ang "bet" ninyo?
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, kabilang din ang "selfie" sa mga pinagpipilian na salita ng taon sa Pilipinas kahit ito ang napili "word of the year" ng Oxford dictionary.
Pero kapuna-puna lang umano na karamihan sa 13 salita na pinagpipilian ng KWF ay mga banyaga ring salita.
Ang mga salitang ito ay ang:
* selfie
* hashtag
* pdaf
* bossing
* Filipinas
* whistle blower
* storm surge
* riding in tandem
* cctv
* peg
* endo
* kalakal at
* imba.
Paliwanag ng National Artist for Literature at tagapangulo ng KWF na si Virgilio Almario, ang popularidad ang pangunahing basehan para maitanghal na word of the year ang isang salita.
"Ang pinakamahalaga siyempre ay popularity, ibig sabihin talagang kahit anong gawin mo ito ay sinasalita ng mayorya," anang opisyal.
Maliban sa mga propesor, nakiisa rin sa pagnominate ng mga salita ang ilang eksperto sa wika, at pati na ang ilang mag-aaral mula sa iba't ibang eskwelahan.
Ang ilang tao na natanong tungkol sa mga pinagpipiliang salita, may kaniya-kaniya ring pili kung ano ang dapat mahirang na salita ng taon. Alin nga kaya sa mga ito ang karapat-dapat na maging "word of the year" ng mga Pinoy? -- FRJ, GMA News