Lalaking nahaharap sa kasong '20 counts' ng rape at mga pagpatay, nadakip
Isang lalaki na pinaghahanap ng mga awtoridad mula pa noong 1996 dahil sa iba't ibang kaso tulad ng panghahalay at itinuturing most wanted sa Nueva Ecija ang bumagsak na sa kamay ng batas.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nadakip sa labas ng isang kainan sa Cabanatuan City ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang suspek na si Zoilo Mendoza Pangilinan, 54-anyos.
Nang arestuhin, isang kalibre .45 na baril na nakalagay sa "holster" ang nakuha ng mga awtoridad matapos malaglag sa baywang ni Pangilinan nang padapain siya sa bangketa.
Dinakip ang suspek base sa mga warrant of arrest na ipinalabas ng Guimba, Nueva Ecija Regional Trial Court laban kay Pangilinan.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong pagpatay at 20 counts ng rape.
Ayon umano sa CIDG-Nueva Ecija Provincial Office, nangunguna sa listahan ng mga pinaghahanap ng mga alagad ng batas si Pangilinan sa buong lalawigan.
Sinabi sa ulat na taong 1996 hanggang 2003 nang masangkot sa mga nabanggit na kaso si Pangilinan. Pero lumamig daw ang paghahanap sa suspek ng mga awtoridad matapos na magsilbing "bodyguard" ng mga dating maiimpluwensiyang "politicial figure" sa lalawigan.
Sinabi naman Sr. Insp. Romy Lanzzarote, Provincial Officer ng CIDG-Nueva Ecija, may mga natatanggap pa silang impormasyon na sangkot si Pangilinan sa iba pang kaso ng pagpatay.
Kaya naman nanawagan ang opisyal sa mga mamayan ng Cabanatuan at lalawigan ng Nueva Ecija na makipagtulungan sa kanila kung kilala nila ang suspek.
Ayon sa GMA News, tumanggi magbigay ng pahayag ang suspek. -- FRJ, GMA News