ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lider umano ng gun-for-hire group at isang pulis, patay sa engkuwentro sa Navotas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa madugong engkwentro ang gagawing pag-aresto ng mga pulis sa sinasabing lider ng isang gun-for-hire group sa Navotas city nitong Sabado ng madaling araw. Patay sa barilan ang suspek at isang pulis na opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng Quezon City.

Sa ulat ni Isay Reyes sa GMA news 24 Oras nitong Sabado, kinilala ang napatay na suspek na si Raymond Mangali, na umano'y lider ng Mangali gun-for-hire syndicate, at pangatlo sa pinaka-wanted sa buong Camanava area o Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Patay din dahil sa tama ng bala sa tagiliran si SPO4 Hector Lacerda, hepe ng Investigation Unit ng CIDG-QC.

Sugatan naman ang isa pang pulis na si SPO2 Juan Fernando, na nagpapagaling na sa ospital.



Sinabi ni CIDG Chief Dir. Benjamin Magalong, na matagal na nilang hinahanap si Mangali pero madulas at palipat-lipat ng tinataguan hanggang sa matiyempuhan sa barangay Tanza sa Navotas.
 
Aarestuhin sana ng mga pulis si Mangali sa bisa ng dalawang search warrant para sa kasong murder pero lumaban ito at napatay si Lacerda na una niyang nakaharap.

Ang anak ni Lacerda, kahit masakit sa kalooban, tanggap na ang nangyari sa ama na bahagi ng trabaho nito bilang pulis.

Ayon sa mga residente, si Mangali ang nagpatahimik sa kanilang lugar dahil takot dito maging ang ibang kriminal at adik sa kanilang lugar.

Nakakuha ang mga pulis sa lugar ng engkuwentro ang isang caliber 45 pistol, isang carbine rifle, at isang caliber 22 rifle.

Samantala, pinuntahan naman ni Magalong sa ospital si Fernando para bigyan ng parangal sa ginawa nitong dedikasyon sa trabaho. -- FRJ, GMA News