ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na babae, huli sa buy-bust operation sa Davao City; 1, patay sa shootout


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apat na babae ang arestado sa Davao City matapos ang magkakahiwalay na buy-bust operation. Samantala, isang lalaki naman ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis.

Ayon sa ulat ni Sheila Vergara Rubio ng GMA-Davao sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, sinabing napilitan ang mga pulis na barilin ang napatay na lalaking suspek dahil una itong nagpaputol ng baril sa isinagawang buy-bust-operation.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang suspek, ayon kay P/Insp. Laureano Pajente ng SOCO-Davao City. Bukod sa baril, nakuha din sa suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Hindi naman umano kilala ng mga residente ang suspek, ngunit matagal na raw problema sa kanilang lugar ang pag-stand by ng ilang lalaki sa madidilim na lugar.



Tatlo pang magkakahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na babae dahil sa pagbebenta rin umano ng shabu.

Nakuha sa unang dalawang suspek na babae ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P18,000. Itinanggi naman ng mga ito ang paratang sa kanila.

Pinaniniwalaang shabu rin na nagkakahalaga naman ng P105,000 ang nakuha mula sa ikatlong suspek. Isinilid niya ito sa lalagyan ng sigarilyo.

Pero depensa ng suspek, inutusan lang umano siya at isa raw siyang menor de edad.

Nabilhan naman ng mga asset ng pulisya ng anim na pakete ng shabu sa isang subdivision ang ikaapat na suspek, na aminado sa paratang sa kanya.

Nahaharap ang lahat ng naaresto sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News