Ano ang grado mo kay PNP Chief Alan Purisima?
Sa pagharap sa pagdinig ng Senado, nine (mula one hanggang 10) ang ibinigay na grado ni Philippine National Police chief Director General Alan Purisima sa sarili nang tanungin ni Senador Grace Poe. Pero pagkatapos ng hearing, sinabi ng senadora sa mga mamamahayag na four lang ang nakikita niyang dapat na grado ng kontrobersiyal na lider ng PNP pagdating sa pamamahala sa kapulisan.
Nitong Martes, dumalo na sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Poe, si Purisima para idepensa ang sarili laban sa mga alegasyon ng maluhong pamumuhay at hindi umano nagdedeklara ng lahat ng ari-arian sa kaniyang Statement of Asset, Liabilities and Net Worth.
Bukod pa ito sa kinakaharap ng problema ng PNP kaugnay sa mga nagaganap na kriminalidad na mismong ang mga alagad ng batas ang nasasangkot.
Ginisa sa pagdinig si Purisima tungkol sa pagtanggap nito ng P11-milyon "donasyon" para sa pagpapagawa ng PNP chief's official residence sa loob ng Camp Crame. Gayundin ang pagkakabili nito ng isang mamahaling sports utility vehicle sa halagang P1.5 milyon matapos umanong nakakuha ng malaking diskuwento.
Inamin din ni Purisima ang kontrobersiyal na malaking bahay sa Nueva Ecija pero iginiit niyang deklarado rin ito sa kaniyang SALN at nabili nila ang lupa at naipagawa ang bahay mula sa sahod nilang mag-asawa at pamilya.
Paliwanag ng PNP chief, nakuha nila ang lote noong 1998 at nagbigay sila ng paunang bayad na P150,000. Naipagawa lamang umano ang bahay noong 2002 at naglabas umano sila ng kaniyang pamilya ng P3.2 milyon para sa konstruksiyon mula sa kanilang sahod.
Tungkol sa official residence ng PNP sa Crame, sinabi ni Purisima na dati itong binabaha at naipagawa lamang dahil sa awa ng mga nagbigay ng donasyon upang ipaayos ang gusali. Iginiit din niya na ang pagpapaayos ng tuluyan ng hepe ng PNP ay hindi lang para sa kaniya kung hindi sa buong institusyon ng kapulisan dahil maiiwan naman ito kapag nagretiro na siya sa puwesto.
Pero matapos ang pagdinig, sinabi ni Poe na dapat maging maingat ang mga nasa gobyerno kapag binibigyan ng malaking diskuwento.
Ang tinutukoy ni Poe ay ang Land Cruiser na nabili umano ni Purisima sa halagang P1.5 milyon, na ayon sa senador ay karaniwang nagkakahalaga ng P4 milyon hanggang P7 milyon.
"'Pag may binibili ka, bagama’t malaki ang discount ‘nun, iisipin mo, ano ba ang kapalit nito?" anang senadora. "Baka maging ehemplo kasi sa mas nakababatang pulis na, 'ay pwede ko pala gamitin ang aking pakikipagkaibigan o tanggapan para magkaroon ng ganoong klase ng benepisyo."
Aminado si Poe na posibleng maapektuhan ang gagawing nilang rekomendasyon sa committee report ng pagdududa sa kredibilidad ni Purisima.
Sa bilang na one to 10, tinanong ni Poe si Purisima kung anong grado ang ibibigay nito sa sarili kaugnay ng pamamahala niya sa kapulisan.
“Your honor, I would rate myself a nine,” anang pinuno ng PNP.
Sinabi rin ni Purisima, na marami ang nagagalit sa kaniya at naninira dahil sa mga nasagasaan ng kaniyang isinusulong na reporma sa PNP.
Sa kabila ng mga panawagan na mag-leave o magbibitiw siya sa puwesto, nanindigan si Purisima na hindi niya iiwan ang kaniyang trabaho at itutuloy ang mga nasimulang programa sa kapulisan.
Pero sa harap ng media pagkatapos ng pagdinig, pinuna ni Poe ang tila hindi umano pagkakatugma ng mga sinasabi ni Purisima kaya nagdududa siya sa kredibilidad ng pinuno ng PNP.
“I’m not convinced that he’s telling the truth entirely. Maybe there’s partial truth to it, but not the entire truth,” anang senadora na nagsagawa ng pagdinig para sa PNP modernization program. -- FRJ, GMA News